IKINAGAGALAK kong ipabatid sa lahat na ang itinatag nating legal aid foundation ay mas palalawakin pa ang serbisyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng konsultasyong legal online.
Nais po nating ipagbigay-alam na kasama si Atty. Gio Bautista ng programang Gio Need a Lawyer, handang-handa na ang Lakbay Hustisya Foundation para sa mga kababayan nating may nais ikonsulta na isyung legal.
Ang Lakbay Hustisya Foundation, isang legal aid trust fund na itinatag ng inyong lingkod, ay kasalukuyang nagtataguyod ng mga libreng konsultasyong legal para sa mga mahihirap na preso.
Kami po ay nakipagtulungan sa Bureau of Jail Management and Penology o BJMP para sa isang programang “e-dalaw” na nagpapahintulot sa mga preso na kumonsulta sa kanilang mga abogado online sa pamamagitan ng mga computer na ating ibinigay sa mga bilangguan sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, ang foundation ay nakapag-donate na ng 40 computers sa mga malalayo at sobrang masisikip na mga bilangguan.
Ang desisyon naming palawakin pa ang mga serbisyong ibinibigay ng foundation ay bunsod ng mga hinaing ng ating mga kababayan na nahihirapan at nabibigatan sa gastusin kapag humihingi ng legal advice para sa small claims at mga isyung sibil.
Marami-rami po ang mga dumudulog sa social media para ikonsulta ang mga problema nila. Naisip namin, potential learning experience na rin ito para sa mas marami pa nating kababayan lalo pa sa mas malawak na naaabot ng social media.
Plano rin ng Lakbay Hustisya na mag-imbita ng mga legal experts na tatalakay sa iba’t ibang mga dalubhasang paksa. Kaya hinihimok natin ang ating mga kababayang Pilipino na samantalahin ang pagkakataon para sa ibinibigay natin na libreng online legal services.
Marami sa legal issues na kinakaharap ng ating mga kababayan ay pinalala ng kanilang pag-aalangan sa paghingi ng tulong sa mga abogado dahil sa mga gastos na kaakibat nito.
Ang pagkakaroon ng mga free legal clinics ay makakatulong upang magsilbing tulay at magkaroon ng mas malawak na access ang ating mga mahihirap na kababayan sa mga serbisyo ng mga abogado.
181