ONLINE SABONG SINISILIP SA PAGKAWALA NG MGA SABUNGERO

INAALAM na ng Philippine National Police kung may kinalaman sa online sabong o game fixing ang motibo sa napaulat na sunod-sunod na pagdukot sa mga sabungero mula sa Bulacan, Laguna, Rizal, Quezon, at Batangas.

Una nang ipinag-utos ni PNP chief, Police General Dionardo Carlos sa PNP Criminal Investigation and Detection Group na imbestigahan ang report hinggil sa nawawalang mga sabungero nang dumulog sa Camp Crame ang ilang kamag-anak ng mga nawawala.

Ayon sa isang mataas na opisyal na nagmula sa PNP-Anti Kidnapping Group, totoong may mga dinukot na sabungero katunayan nito ay may mga inilutang na ang grupong nasa likod ng pagdukot.

Ayon sa source mula sa PNP-AKG, napilitang ilutang ang ilang dinukot na sabungero nang malaman na hinahanap ng isang police general ang nawawalang mga biktima na kamag-anak umano nito.

Kamakailan, isang retired Army na kinilalang si Ernesto Bacay ang humingi ng tulong sa pulisya para hanapin ang kanyang dalawang anak na kinilalang sina James at Marlon Bacay na nawawala matapos magtungo sa Manila Arena sa Sta. Ana Manila subalit hindi na nakauwi matapos na pwsersahan umanong tangayin ng armadong kalalakihan. Ayon sa source, kasalukuyang binubusisi ng PNP-CIDG ang mga nakalap na report na may kaugnayan sa online sabong at game fixing

ang motibo sa mga kaso ng pagdukot sa mga sabungero at umano’y mga tauhan ng isang kilalang gambling lord ang nasa likod nito.

Ilan umano sa mga dinukot ay pinagnakawan, pinahirapan at pinatay ng sinasabing mga tauhan ng isang bilyonaryong gambling lord.

May limang sabungero ang iniulat ding nawawala, may limang buwan na ang nakalilipas. Matapos na magsabong sa Sta. Maria, Bulacan noong Mayo 11, 2021 nang biglang ilabas umano ng mga tauhan ng sabungan ang mga ito at hindi na nakita mula noon.

Limang sabungero rin mula Quezon ang nagdagdag sa listahan ng mga nawawala matapos na sumali sa 16-cock derby sa Sta. Cruz, Laguna kabilang ang isang bata noong Disyembre. Hindi umano nagustuhan ng kanilang finacier ang resulta ng laban.

Sa kabuuan, sinasabing nasa 20 nang sabungero ang iniulat na nawawala kabilang ang anim na nawawala mula sa Tanay, Rizal.

Kinilala ng Santa Cruz Police ang apat sa mga nawawalang sina Ferdinand Dizon, 39; Mark Paul Fernandine, Manny Magbanua at Melbert John Santos.

Ayon sa asawa ni Dizon, matapos manalo ang manok ng grupo ng kanyang mister ay may tatlo pa sanang panlaban ang mga ito pero napansin niyang sa live video ay hindi na si Ferdinand ang nagbitaw ng manok sa mga sumunod na laban.

Napag-alaman ng pulisya, isang alyas Julius ang financer at may-ari ng cock farm na pinuntahan ng grupo ni Dizon.

Pagbebenta ng laro o game fixing ang posibleng motibo sa biglaang paglalaho ng mga sabungero.

Samantala, pursigido naman ang pamilya ng mga nawawala na kasuhan ang may-ari ng cock farm na hindi rin umano mahagilap hanggang ngayon. (JESSE KABEL)

947

Related posts

Leave a Comment