ANG posibleng pagpapatuloy ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ay isa sa mga maaaring desisyunan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaalinsabay ng ibababa nitong pasya hinggil sa itatakdang set-up pagkaraan ng April 30.
Inirekomenda kasi ng Department of Finance na magkaroon na ng resumption sa operasyon ng POGO.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, kabahagi ang POGO sa suma total na dapat desisyunan ng Presidente at sa katunayan ay tinitiyak na rin ngayon ang mga industriya na maaaring makapag-operate muli at ang mga hindi pa pupuwede.
Ayon kay Sec. Roque, kailangan lamang na malaman kung ano ang kaakibat na banta sakali’t magkaroon ng resumption ng POGO operation at kung mababawasan ba ang risk sa pamamagitan ng social distancing gayundin kung pupuwede bang mag-work from home ang mga nasa POGO industry.
Isa ang POGO sa nagbibigay ng malaking cash resource sa pamahalaan at dito rin nahuhugot ang pondo para sa pasuweldo ng mga guro at health workers gaya ng nurses.
Tutol naman ang ilang mambabatas na ibalik ang operasyon ng POGO.
Delikado para kay Committe on Labor Chairman Senator Joel Villanueva ang plano ng PAGCOR na payagang muling makapag-operate ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Diin ni Villaneuva, ang POGO ay posibleng maging daan ng lalong pagkalat ng COVID-19 dahil marami itong mga manggagawa na magsasama-sama sa saradong lugar at karamihan din ay naninirahan sa matataas na condominium.
Giit pa ni Villanueva, hindi rin nagbabayad ng buwis ang karamihan sa mga POGO kaya walang saysay na ibalik ang operasyon ng mga ito.
Sabi naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, okay lang na mag-operate ang POGO kung work from home ito.
Pero kung hindi work from home ay hindi dapat payagan dahil hindi naman ito mahalaga.
Mas nanaisin din ni Recto na pabalikin sa trabaho ang mga construction worker at magsasaka sa halip buksan muli ang POGO. CHRISTIAN DALE
225 