ARESTADO ang pitong drug suspects dahil sa pagbebenta ng umano’y shabu sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operations sa Quezon City.
Ayon sa pahayag ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Remus B. Medina, nagkasa ng operasyon ang PS-14 sa pamumuno ni P/Lt. Col. Jeffrey Bilaro, dakong ika-3:50 ng hapon noong Hulyo 2, 2022, sa kahabaan ng Luzon Ave., Brgy. Pasong Tamo, Quezon City na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na kinilalang sina Johnson Base, 36; Efren Lopez, 44, at Ferdinand Manois, 24-anyos.
Nasamsam mula sa mga suspek ang 20 gramo ng shabu na nagkakahalagang P136,000.
Batay naman sa report ng Batasan Police Station (PS-6), sa pamumuno ni P/Lt. Col. Abraham D. Abayari, nadakip ang mga suspek na sina Angela Dalipe, 29; Russel Bautista, 30; Ruel Tandog, 30, at Marlon Cristobal, 33-anyos.
Ang mga ito ay naaresto sa buy-bust operation sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Unit (PDEA) dakong ika-2:00 ng madaling araw noong Hulyo 3, 2022, sa Doña Nicasia St., Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Nasabat mula sa mga suspek ang 17 gramo ng shabu na nagkakahalagang P115,600.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, humantong sa karsel ang tatlong lalaki nang makumpiskahan ng halos P.4 milyong halaga ng shabu sa police operations sa mga lungsod ng Caloocan at Malabon.
Nasakote sa buy-bust operation sa Sta. Cecilia Street, Brgy. 177, Maligaya Parkland, Caloocan City dakong alas-1:30 ng madaling araw noong Hulyo 3 si Ricardo Dela Cruz, 46, matapos inguso at nakumpiskahan ng 50 gramo ng shabu na may presyong P340,000 .
Dakong 1:40 ng madaling araw naman ng nasabing petsa nang madakip sa Caloocan si Mario Ramirez, 45, nang tangkaing takasan ang mga parak na nagsasagawa ng “Oplan Galugad” sa Intan St., Brgy. 153.
Iisyuhan umano si Ramirez ng ordinance violation receipt dahil sa hindi pagsusuot ng facemask ngunit nagtatakbo ito at nasukol saka nakumpiskahan ng 4.7 gramo ng shabu na may presyong P31,960.
Natiklo sa buy-bust operation sa kanto ng C4 Road at Leono Street, Tañong, Malabon City dakong 3:30 ng madaling araw noong Hulyo 3 si Manuel Lacanilao, 37, ng Navotas City at nakumpiskahan ng P21,556 halaga ng shabu. (JOEL O. AMONGO/ALAIN AJERO)
287