INIHAYAG kahapon ng pamunuan ng Philippine National Police na nakahanda sila anomang oras na maglunsad ng law enforcement operation laban sa mga suspek kabilang ang negosyanteng si Atong Ang, oras na magpalabas ang Department of Justice ng kanilang resolusyon kaugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay acting PNP chief, Lt. Gen Melencio Nartatez, sakaling magpalabas ng warrant of arrest laban sa mga suspek sa kaso ng missing sabungeros ay nakahanda ang PNP na umakto nang may koordinasyon sa mga kinauukulang yunits at korte para matiyak ang wasto at naaayon sa batas na implementasyon.
“The PNP has prepared security and monitoring measures to ensure peace and order once the resolution is released,” ani Lt. Gen Nartatez.
Tiniyak ng heneral na susunod ang pambansang pulisya sa due process at sisiguruhin na lahat ng procedures ay gagawin ayon sa umiiral na batas.
“We are impartial, and our only goal is to implement the law with integrity and respect for the rights of all,” ani Nartatez.
Nabatid na nagsasagawa ng paghahanda PNP sakaling maglabas na ng kanilang resolusyon ang DOJ hinggil sa kaso. Una nang inihayag ng kagawaran na natapos na nila ang preliminary investigation para sa multiple murder at serious illegal detention charges laban kay Atong Ang at mahigit 60 iba pa.
Nangangahulugan na anomang oras ay maaaring magpalabas ng warrant laban sa mga suspek sakaling makita ng DOJ na may sapat na batayan para sa paghahain ng kaso sa korte o hindi base sa naging pag-aaral sa mga inihaing ebidensya.
“We are closely monitoring developments. We recognize that this is a sensitive case that has drawn public attention,” ayon sa inilabas na pahayag ng PNP.
Magugunitang ang gaming tycoon na si Atong Ang at aktres na si Gretchen Barreto ay idinawit ni missing sabungero whistleblower Julie Patidongan sa pagkawala ng mahigit sa 30 sabungeros.
(JESSE RUIZ)
