18TH CONGRESS: MANAIG SANA ANG INTERES NG MAMAMAYAN

POINT OF VIEW

Parang hindi pa rin plan­tsado ang agawan at gapangan sa  kandidato  sa speakership race sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa kabila na nangialam na si Pangulong Rodrigo Duterte.

Akala ko ‘wagi’ na ang panukala ni Duterte na ‘term-sharing’ sa pagitan nina Taguig Cong.  Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Alan Velasco na magiging speakers para sa nalalabi pang 3 taon ng kanyang administrasyon. Parang nagkataon din ang dalawa, dahil pareho pa silang may Alan sa kanilang pangalan.

Kasi sa kabila nang nasabing ‘kasunduan’ tila may humahabol pa rin sa mga kapartido at kaalyado ng Pangulo sa nasabing posisyon. May nagbabanta na posibleng ma-coup si Ca­yetano bago pa ito maupo.

Ang mahirap, kaya hindi sila makakuha ng solid stand sa isyung ito ay dahil maraming pinangakuan na maging House speaker nitong nakaraang eleksiyon ng dalawang partido ng administrasyon, PDP- Laban at Hugpong ng Pagbabago at iba pang kaalyado kaya, ayan, nagkakagulo at pare-parehong naniningil na.

Hanggang hindi matapos ang botohan sa Kamara sa darating na July 22 sa pagbubukas ng ika-18th Congress, hindi pa rin tayo makakasiguro kung sino talaga ang iuupo ng mga kongresista na kanilang maging speaker.

Kung sabagay hindi naman ang isyung iyan ang aking pangunahing concern ngayon kundi ang direkta at hayagang pakikialam ng Pangulo sa pagtatalaga ng magiging susunod na Speaker. Inendorso nito si Cayetano na kanyang masugid na taga-suporta at naging running mate bilang vice president noong 2016 Presidential Elections.

Ang kinatatakutan natin sa direktang pakikialam ng Pangulo sa nasabing usa­pin, nanganganib na mawala ang independence ng Kamara. Baka maging sunud-sunuran na lamang ang mga kongresista sa dikta ng Palasyo kung ano ang dapat na ipasang batas, lalo na ang charter change (ChaCha) kung saan matagal na itong inihihirit ng Malacanang para palitan ang kasalukuyang presidential form para maging Fede­ralism. Kamakailan sinabi ni Pangulo na kailangan nang madaliin ng dalawang kapulungan ng Kongreso na baguhin ang 1987 Philippine Constitution habang nakaupo pa siya.

Ang nakakatakot, maaaring makumpromiso ang interes ng samba­yanang Filipino, lalo ngayon na may kinakaharap tayong kontrobersiya sa pagitan ng China hinggil sa isyu sa agawan ng pag-aangkin sa West Philippines Sea.

Kahit sinuman ang mailuklok na House speaker, ang importante ay ang tamang desisyon ng may 304 mambabatas na tanggihan ang mga anti-people bills at pagtibayin ang mga panukalang batas na makabubuti sa sambayanang Filipino at hindi manaig ang personal na interes ng nakaupong mga mataas na opisyal ng gobyerno. (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)

148

Related posts

Leave a Comment