HINDI ko kilala ang 32 journalist na pinaslang noong Nobyembre 2009 sa Maguindanao, ngunit labis akong natutuwa sa pagkamit ng katarungan para sa kanila matapos ang isang dekada dahil sa desisyon ni Quezon City Regional Trial Court Judge?Jocelyn?Solis-Reyes na habambuhay na pagkabilanggo o maximum na pagkakulong sa 43 pangunahing akusado.
Sa 761-pahinang desisyon ni Solis-Reyes, napatunayan niyang “guilty beyond reasonable doubt” sa 57 kasong murder laban sa 43 katao, sa pangunguna nina Andal Jr., Zaldy at Anwar Ampatuan.
Ngunit, kahit na nabigyan ng katarungan ang mga journalist sa nasabing masaker, hindi dapat tumigil ang mga mamamahayag na makamit ang katarungan sa ibang kasama sa media.
Huwag kalimutan na hindi lamang ang 32 journalist na namatay sa Ampatuan Massacre ang ipinaglalaban ng mga Filipinong journalist, kundi lahat ng biktima ng karahasan at pamamaslang.
Isa si Jupiter Gonzales na kolumnista sa Remate na pinatay sa Arayat, Pampanga ilang buwan na ang nakalilipas.
Hangad kong makamit ang katarungan para kay Jupiter.
Naghangad ako ng katarungan para sa 32 journalist na kasama sa Ampatuan Massacre na hindi ko kakilala, kay Jupiter pa kaya na personal kong kakilala at matagal ko nang kaibigan?
Matagal nang hinahagilap ng mga alagad ng batas ang pumatay kay Jupiter (sana madakip na sa pinakamabilis na panahon!).
Ang problema, habang nag-aabang ng katarungan ang asawa at pamilya at mga kaibigan ni Jupiter, ang napakalaking peryahan sa Arayat Pampanga nina alyas Toyan at Allan ay hindi humihinto.
Ang matindi sa peryahan na ito ay mayroong mga ilegal na sugal na mistulang “mini-casino,” kaya ang bansag ng karamihan sa peryahan nina alyas Toyang at Alan ay “pergalan.”
Hindi maipagkakaila ng kahit bagitong pulis na maraming umiiral at namamayagpag?ang ilegal na sugal sa perya, kaya pergalan ang tawag dito.
Ang nag-iisang suspek sa pagpatay kay Jupiter at kasama niya ay konektado umano sa mga nagpapatakbo ng pergalan sa Arayat.
At ang pergalan ay konektado sa pagpaslang kay Jupiter.
Ngunit, hanggang ngayon ay namamayagpag ang pergalan nina alyas Toyang at Allan.
Katarungan kay Gonzales!
oOo
Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271 (Badilla Ngayon / NELSON S. BADILLA)
212