ANG HAMON NG SARILING WIKA

Psychtalk

Ang buwan ang Agosto, buwan naman ng wika.

Isang buwang pag-alala na may pambansang wika pala tayo. Pagkatapos nito ay balik normal na naman ang buhay-buhay. Luluhod sa lakas  at  kapangyarihan ng  wikang banyaga. Pilit na iwawaksi ang kinamulatang salita. Kahit namimilipit ang dila, pagsusumikapang makabuo ng pangungusap sa wikang dayuhan na sana ay walang mintis ang grammar at syntax.

Bahagi ng pagde-define ng ating identity ang wika. At kung gaano ang ating pakiramdam at pananaw sa a­ting sariling wika, ay malamang ganun din tayo sa ating pagka-Filipino. Sino nga ba tayo?  Ano nga ba ang wikang Filipino?  Debateng umaatikabo ang daraanan  natin para masagot nang lubos ang mga tanong na ito.

At habang hindi natatapos ang diskursong ito, patuloy rin ang krisis sa ating pagkilala sa ating mga sarili na  nakikita rin sa iba pang aspeto ng ating pagkatao: kultural, politikal, sikolohikal, emosyonal, kahit pisikal.

Parang gusto kong paniwalaan ang mga argumento ng mga nagsasabing dapat bago tayo tinuruan sa wikang banyaga, ipinaunawa muna sa atin ang mga batayang konsepto sa ating mga inaaral sa pamamagitan ng sariling wika. Kaya marami sa atin ang lumaking ‘di naaabot ang sapat na mastery sa anumang wika.

Ayoko nang lumayo. Ipinanganak ako sa Ilocano-speaking na komunidad. Kalaunan ay nag-aral ako sa Pangasinense-speaking na bayan. Hanggang kinailangang gumamit na ng wikang Filipino noong nasa kolehiyo. Sa lahat ng panahon na ito, ay pilit tinuturuan sa mga paaralan ng tamang pagsasalita at pagsusulat sa wikang pinakamakapangyarihan sa mundo—English.

Sa ngayon, ramdam ko ang epekto  ng sistemang ito. Alam ko kung paano magsalita sa mga wikang ito, pero alam kong ‘di ako bihasa o eksperto sa alinman dito. Mara­mi na akong nalimutang salita sa aking dalawang dialect, ‘di pa rin ako gaanong magaling sa Filipino o Tagalog. Kumpara sa iba, mas ayos naman ang paggamit ko ng wikang banyaga, pero alam kong malayo pa ako sa pagi­ging dalubhasa.

Ang hamon ng wika ay may malalim na implikasyon. Tumatagos ito sa kaluluwa ng ating pagkatao. Kaya nga’t mas gusto nating ilagay sa bibig ng litson ang apple kesa kamote ‘di ba? At pihadong mas marami pa rin sa ating nais gumamit ng glutathione para pumuti, o magpakulay ng buhok para mukhang blonde o brunette. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

293

Related posts

Leave a Comment