Hindi malinaw sa akin kung bakit ang Korte Suprema pa ang nagpalabas ng desisyon na nagsasabing hindi mandatory sa kolehiyo ang pag-aaral ng wikang Filipino at Panitikan gayung matagal nang panahong bahagi ito sa mga batayang asignatura.
Nauna rito, inalis na rin bilang mga asignatura sa high school sa ilalim ng K to 12 program ang Kasaysayan ng Pilipinas gayundin ang Philippine Government & Constitution na dati-rati ay bahagi ng mga asignatura mula 1st year hanggang 4th year high school.
Mariing tinututulan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) party-list ang naging desisyon ng Korte Suprema at naghain ito ng panukalang batas na naglalayong muling gawing mandatoryo ang Filipino at Panitikan sa kolehiyo.
Sa ilalim ng House Bill 8954 na pangunahing iniakda nina ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio at France Castro, gagawing mandatoryo ang siyam na yunit ng Filipino at Panitikan sa kurikulum ng kolehiyo upang mapunan ang kakulangan ng bagong General Education Curriculum.
Layunin din ng HB 8954 na makapag-ambag sa paglinang ng kamalayan ng mga estudyanteng Filipino sa ating sariling wika, kultura, at identidad gayundin ang paglinang at puspusang pagtataguyod ng ating pambansang wika gaya ng isinasaad sa Saligang Batas.
Binigyang diin nina Reps. Tinio at Castro ang pagpatay sa Filipino at Panitikan at kasabay na pagpatay ng programang K to 12 sa Kasaysayan ng Pilipinas sa hayskul at Philippine Government & Constitution ay isang malaking dagok sa pagkakaroon ng makabayang edukasyon sa bansa.
“Magiging puspusan lamang ang pagtataguyod sa paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa lahat ng antas ng sistemang pang-edukasyon kung puspusan ding itataguyod ang pagtuturo nito bilang asignatura sa lahat ng antas ng edukasyon,” paliwanag nina Tinio at Castro.
Sinabi pa ni Rep. Castro, “Ginigiit natin na kailangang ipagtanggol at panatilihin ang Filipino at Panitikan bilang mandatoryong asignatura sa kolehiyo. Panawagan natin sa CHED na bawiin ang CHED Memo 20 at sa Kongreso na mabilisang ipasa ang Panukalang Batas 8954 na muling minamandato ang Filipino at Panitikan sa kolehiyo.”
Dapat ngang pagpaliwanagin ang Commission on Higher Education (CHED) kung bakit inalis sa kurikulum ng mga estudyante ang Filipino at Panitikan gayung siyam na yunit lang naman ang mga naturang asignatura.
Hindi naman kaila sa mga nasa sektor ng edukasyon na mahalaga at malaki ang papel na ginagampanan ng pag-aaral ng sariling wika at panitikan sa pagtuturo ng makabayang kamalayan sa mga kabataang estudyante.
Kaya dapat lang na makapasa sa Mababang Kapulungan ang HB 8954 at inaasahang may mga senador ding susunod na maghahain ng katulad na panukalang batas para matiyak ang panunumbalik ng naglahong asignaturang Filipino at Panitikan.
Sabi nga ni Jose Rizal: “Ang hindi nagmamahal sa sariling wika ay daig pa ang amoy sa malansang isda.” (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
325