AYAW NG MGA KASAMBAHAY  PERO…

DPA

ANG Pilipinas ang ikatlong bansa sa mundo na may pinakamalaking remittances mula sa ating Overseas Filipino Workers (OFWs) at isa sa mga inaasahan ng ating gobyerno pagdating sa pagsigla ng ekonomiya at dollar reserves.

Nangunguna pa rin siyempre ang dalawang pinakamalaki at pinakamaraming populasyon sa mundo… ang China at India sa laki ng remittances ng kanilang mamamayan na nagtatrabaho sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ibig sabihin, mas maraming Chinese at Indian nationals ang nasa ibang bansa para magtrabaho at ipinapadala ang kanilang kinikita sa kanilang mga kaanak sa kanilang bansa.

Pero kumpara sa China at India na mahigit isang bilyon ang kanilang populasyon, ang Pilipinas ay mahigit 110 million lang ang populasyon.

Ibig lang sabihin nito, ang pagtatrabaho sa ibang bansa ang tanging pag-asa ng ating mga kababayan para mabigyan ng maayos na kinabukasan ang kanilang pamilya.

Kung tatanungin mo ang OFWs natin, ayaw nilang magtrabaho sa ibang bansa at malayo sa kanilang pamilya pero dahil walang oportunidad dito sa atin, napipilitan silang mangibang-bansa at magpaalila sa ibang lahi kahit hindi sila sigurado kung makakukuha sila nang maayos na amo.

Habang palaki nang palaki ang populasyon, asahan na natin na parami rin nang parami ang mga kababayan natin na gustong lumabas ng bansa dahil wala namang mapasukang trabaho rito sa atin.

Kung mayroon man, kakarampot ang suweldo kumpara sa ibang bansa kaya wala silang ibang opsyon kundi lumabas at maghanap ng mas malaking suweldo lalo na ang mga ina ng mga tahanan.

Ang suweldo kasi ng mga kasambahay rito sa atin, ay P5,000 hanggang P6,000 lang kada buwan kumpara sa ibang bansa na kumikita sila ng hanggang P21,000 kaya talagang nakikipagsapalaran sila.

Ang masakit lang, marami sa kanila ang inaabuso ng kanilang mga employer sa ibang bansa na ang ilan sa kanila ang napapatay pa sa sobrang pang-aabusong nararanasan nila sa kamay ng kanilang amo.

Kung papansin n’yo, mga kasambahay lang ang karaniwang inaabuso ng mga dayuhang employer kaya sila dapat ang tutukan ng ating gobyerno at bigyan ng oportunidad sa ating sariling bansa.

Kailangang magkaroon nang matatag na ugnayan ang Pilipinas sa mga bansang kumukuha ng mga kasambahay at hindi lang ang mga employer ang dapat magkaroon ng responsilidad sa kanila kundi ang dayuhang gobyerno. (DPA / Bernard taguinod)

174

Related posts

Leave a Comment