AYUDA: PANTULONG O PAMBILI NG BOTO?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MARAMI ang hindi nagbabago pagdating sa pagtrato sa mga politiko.

Ibinoboto dahil may inaasahang pabor mula sa kandidato.

Hindi naman lahat ng politiko ay nagsasamantala sa kahinaan ng mga botante. Kaso, ilan lang ba sila?

Madaling maengganyo ang mga tao ng mga sikat at madatung na mga politiko dahil malamang na iniisip ng mga ito ay madidikit sila sa kapangyarihan at mabibigyan ng espesyal na atensyon, bibigyan ng trabaho at iba pang inaasam na benepisyo.

Buhay na buhay ang padrino system sa bansa kaya masigla ang kontrobersya at korupsyon. Ang karamihan namang botante ay sinisipat ang paldong bulsa ng gustong iluklok sa puwesto.

Namimigay raw at madaling lapitan. Saka na lang ngangawa kapag ang tipong politiko ay hindi tipong galante. Ubod pala ng kunat. Kaya sa ayuda babawi.

Teka, ayudang umani ng batikos? AKAP iyon ah.

Umani ng batikos ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng DSWD dahil gagamitin lang umano ito para sa pamumulitika.

Eleksyon na naman kasi sa susunod na taon kaya ngayon pa lang ay hindi na magkamayaw ang mga kandidato kung paano magagamit ang pamumudmod ng katiting na ayuda para magpabango sa kanilang constituents.

Depensa ng mga may pakana ng AKAP, para ito sa kapos ang kita, hindi sa pamumulitika. ‘Yan dapat. Pero hindi maaalis ang suspetsa, sabi nga ng ilang benepisaryong gumugol ng apat na oras bago maAKAP ng kanilang kamao ang ilang libo, hindi raw lahat ng kumukubra ay kapos ang kita o sa diretsahang patutsada ay may ibinabandong kabuhayan naman.

Kaso, walang Ayuda para sa Sobra ang Kita Program (ASAP) kaya ganun na lang, pagbigyan.

Balik tayo sa AKAP. Binigyang-diin ni Speaker Martin Romualdez ang kahalagahan na mabigyan ng ayuda ang mga kapus-palad.

Sarap pakinggan ng mga mambabatas kapag sinasambit ang para sa kapus-palad. Kung ito ay para sa may mababang kita ay walang kwestyon.

Ayon nga kay House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, pinahahalagahan din ng AKAP ang kontribusyon sa ekonomiya ng mga Pilipino na mababa ang kita.

As usual, itinanggi rin ng DSWD na ang P26 billion AKAP funds ay pork barrel.

Sinabi ni Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian na ang pondo ng AKAP ay hindi napupunta sa mga mambabatas, kundi sa departamento. Wala ring impluwensya ang mga politiko sa pagpapalabas ng pondo, at hindi sila maaaring dumalo sa distribusyon ng ayuda.

Itsapuwera mga politiko? Tell that to the marines, sabi ng dalahirang kapitbahay.

Hanggang press release lang ang babala ng DSWD na bawal ang politiko sa pamamahagi ng ayuda. Mag-abang kayo sa mga barangay at bayan na may distribution baka makakita ka pa ng tarpaulin ni politiko na malaki pa ang litrato sa letra ng anunsyo.

Dapat talaga kung kanino ang pondo ay doon dadapo ang kuwarta, at iyan ang magpapatupad.

Putulin na natin ang pagpila sa mga politiko para sa kakarampot na kalansing. Politiko ang dulugan kaya tinatanaw na utang na loob ang ipinaramdam na malasakit sa mga nagtitiyagang pumila.

Kaya ibinibigay ng politiko ang baryang pangangailangan ng mahihirap na nagkandahirap sa pagpila kasi iyon ang madali at epektib na pambobola.

7

Related posts

Leave a Comment