Kamakailan ay nagtangkang magnakaw ng mamahaling bisikleta ng ating mayamang kaibigang sa kanyang paboritong training ground sa Mall of Asia (MOA). Sa kabutihang palad ay may nakakita agad sa damuhong kawatan at agad itong nasakote bago pa niya tuluyang matangay ang napakamahal at napakagandang bisikleta.
Kalaboso agad ang salarin at sa tulong ng mga sekyu at mga siklistang tambay sa MOA ay nadala agad ito sa himpilan ng pulisya. Agad ding sinampahan ng kaso sa piskalya ang suspek.
Okay na sana ang lahat dahil nakahanda naman ang aking kaibigan na ituloy ang kaso laban sa magnanakaw kahit gumastos pa ito para sa abogado. Ang problema ay ayaw ni piskal na isampa ang kaso kung hindi papayag ang aking kaibigan na iwan ang kanyang bike bilang bahagi umano ng ebidensiya.
No choice ang ating kaibigan kundi iatras ang kaso dahil ayaw niyang iwanan ang kanyang bisikleta lalo pa at wala namang maibigay na guarantee ang piskal na hindi ito gagalawin at kakahuyin ng mga magku-custody nito.
Dito ko naisip na kaya pala malalakas ang loob nitong mga magnanakaw. Halos lahat kasi ng mga biktima ay umaatras na lang sa napakahaba at napakagastos na litigasyon ng kaso dahil sa ganitong sistema.
Hindi tayo abogado at hindi natin alam ang patakaran tungkol sa mga tinatawag na rules of evidence. Pero bakit kailangan pang iwanan sa piskal o sa korte ang bagay na ninakaw lalo pa’t ito ay napakahalaga para sa biktima? Hindi ba pwedeng kunan na lang ito ng litrato at idokumento ang mga serial number at iba pang bagay na magpapatunay sa ownership nito at pagkatapos ay pwede na itong ibalik sa may-ari?
Hindi naman ginamit sa krimen ang naturang bagay na kailangang suriin ng forensic kaya para saan ang ganitong patakaran?
Malimit ay mga cellphones, wallet, mga bisikleta at maging mga motor ang mga natatangay ng mga magnanakaw. At kung ikaw ang biktima na ninakawan na nga ng cellphone at sasabihin sa iyo na kailangan mo itong iwan bilang ebidensiya sa kaso, hindi ka ba panghihinaan ng loob na ituloy pa ang kaso?
Sobrang hassle at napakagastos na ang pagsasampa ng mga asunto pagtapos ay hindi mo pa agad mababawi ang ninakaw sa iyo?
Siguro, kung ang ganitong sistema ay nakapaloob sa sinusunod na rules of evidence ay kinakailangan amyendahan na ito. Kinakailangan na rin sigurong baguhin ang ilang batas lalung-lalo sa mga tinatawag na petty crimes na gaya ng pagnanakaw.
Simple at mabilisan na lang dapat ang proseso ng litigasyon kapag simpleng pagnanakaw ang kaso. Sa level pa lamang ng piskal ay kinakailangang may disposisyon na ang kaso at kailangang maipataw ang ang angkop ng parusa sa loob lamang ng isa o dalawang oras.
At dahil halos lahat naman ng mga sangkot sa mga ganitong petty crimes ay mga mahihirap o dili kaya ay mga adik na hindi kayang magbayad ng danyos, maganda sigurong community service na lang ang ibibigay sa kanilang kaparusahan gaya ng paglilinis ng ating mga estero o kaya paghahalo ng semento sa ating mga public works projects.
That way,sa halip na patawa-tawa lang itong mga kawatan dahil batid nilang hindi rin naman sila tutuluyan ay maranasan din nila ang magdusa dahil sa kanilang kabulastugan. (Bagwis /Gil Bugaoisan)
299