BAKA MAUWI SA BANK RUN

CLICKBAIT ni Jo Barlizo

HINDI masisisi ang mga pribadong depositor ng Land Bank kung i-withdraw o tuluyang isara nila ang kanilang savings account sa naturang bangko dahil sa pangambang mawala ang kanilang pinaghirapang ipon dahil sa Maharlika Investment Fund.

Ramdam ng mga depositor na nasa panganib ang kanilang pinagsikapang ipunin, kahit pa may mga pangkalmang panghikayat ang pamahalaan na ligtas at protektado ang nakalagak na pera, at hindi magagamit sa korapsyon.

Kahit anong hikayat, at kahit tadtarin ng pamahalaan ng mga pang-engganyong paliwanag na matatag ang LBP dahil ito ay state-owned na bangko, ay hindi mapapawi ang pagkabalisa ng mga depositor sa lagay ng kanilang inipon.

Ang LBP ay nakalaang mag-invest ng P50 bilyon sa MIF.

Oo nga’t maliit na porsiyento lang ang P50 bilyon sa P1.3-trillion investible funds ng LBP ngunit sangkot dito ang inipon ng mga pribadong mamamayan.

Sakali mang magkaroon ng bank run sa nasabing bangko ay hindi ito magsasara dahil lagakan ito ng pondo ng gobyerno.

Dumadaan sa LBP ang sweldo ng mga empleyado ng gobyerno kahit ang ipinamamahaging ayuda sa mga nakatatanda at mahihirap na mamamayan. Diyan din nakadeposito ang pera ng mga LGU at ibang ahensya.

Kung walang deposito galing sa gobyerno ay malamang na pagsasara ang haharapin nito.

Pero, malabong mangyaring magsara ito.

Pero, may karapatan ang pribadong depositor na hatakin ang kanilang pera. Pera nila ‘yan kaya ayaw nilang ilagak sa panganib na mawala.

Kung isasalin ito sa pagbili ng isang produkto, gamit ang iba pang nasasalat at nakikitang bagay, isinasaalang-alang nila ang prinsipyo ng caveat emptor.

Ano naman kasi ang garantiya na hindi mababangkarote ang MIF? Minamadali kasi ang MIF kaya iwas-disgrasya ang mga nag-ipon sa pangambang ang matagal nilang pinaghirapang kinita ay mabilis na mabubura.

Posibleng makadagdag pa sa alalahanin ng mga may duda sa MIF ang pahayag ni Albay 1st District Representative Edcel Lagman na walang mangyayari kung kukwestyunin ito sa Supreme Court oras na ito ay malagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at ganap na maging batas.

Wala rin aniya siyang nakikitang ‘constitutional infirmity’ sa MIF Bill kaya malabong dinggin ng Korte Suprema ang mga petisyon laban dito.

Paliwanag ni Lagman, mayroong jurisprudence na hindi nakikialam ang Supreme Court sa polisiya o wisdom ng isang statute o batas.

Kaya masasabing wala na ring silbi tutulan man ng nakararami ang MIF. Kahit pa kaduda-duda ang timing ng pagpasa sa panukala lalo’t wala tayong sobrang pondo para ilagak dito, mataas din ang inflation at hindi kaaya-aya ang gross domestic product per capita.

127

Related posts

Leave a Comment