Para sa Bayan Muna, kabalintunaan ang hindi pagsama sa party-list sa isinagawang Random Manual Audit sa nagdaang eleksyong 2019.
Ang Random Manual Audit o RMA ay proseso ng pagtitingin kung pareho ang basa ng resulta ng botohan ng mga makinang ginamit, sa pagkakataong ito ay ang mga Vote Counting Machines o VCMs, at sa basa na gamit ang mga mata ng mga tao. Ito ay isinasagawa upang tiyakin na tama ang bilang na ginawa ng mga makina. Kung may pagkakaiba sa bilang ng tao at ng makina, ito ay kailangang pagtugmain at resolbahin.
Ipinahayag ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang pagkadismaya sa pagdinig sa Kamara hinggil sa automated election system noong Lunes, ika-4 ng Hunyo. Ayon sa kanya, marami na ngang anomalya at iregularidad sa halalan, dagdag pa ang pagbabalahura sa sistemang party-list ng mga ganid sa kapangyarihan, ay hindi pa isinama ang halalang party-list sa RMA.
Una, ang hindi pagsasailalim sa RMA ng party-list ay labag sa mismong regulasyon ng Commission on Elections (Comelec). Sa Comelec Resolution 10525 Section 15 a.2, nakasaad na ang mga senador, miyembro ng Kongreso at mga mayor ay isasailalim sa RMA.
Pangalawa, walang sagot ang Comelec kung bakit hindi nila isasama ang party-list sa RMA, sa kabila ng pagbabatikos at pagkwestyon ng mamamayan dito.
At sa huli, dagdag na naman ito sa paparaming dahilan upang kwestyunin ang pamamaraan at resulta ng eleksyon ang hindi pagsasailalim sa audit ng party-list. Napakaraming kailangang sagutin ng Comelec hinggil sa mga iregularidad, kapalpakan, pandaraya, at iba pang dungis sa nangyaring kampanya at halalang 2019. (KAKAMPI MO ANG BAYAN / TEDDY CASIÑO)
117