RAPIDO NI PATRICK TULFO
BAKIT kaya ayaw tanggapin ng pamunuan ng Philippine National Police ang resulta ng independent drug test ng dating Mandaluyong Police chief na si P/Col. Cesar Gerente?
Muling sumailalim sa drug test si Col. Gerente matapos magpositibo ito sa paggamit ng shabu sa surprise drug test na isinagawa ng PNP noong Aug. 24 at sa kasunod na confirmatory test noong Aug. 26.
Sa isang panayam, ipinakita naman ni Col. Gerente ang negatibong resulta sa magkasunod na drug tests na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Aug. 29 at sa isang National Bureau of Investigation accredited facility noong Sept. 6.
Sinabi ni Gerente na maaaring ang kanyang pagkaka-exposed sa mga drug evidence at maging ang kanyang iniinom na maintenance medicines ang dahilan sa pagiging positive niya sa paggamit ng droga.
Pinanindigan naman ng PNP Forensic Group ang accuracy ng kanilang testing at kinuwestiyon ang resulta ng isinumiteng urine sample ni Gerente sa PDEA at NBI accredited facility, dahil iba raw ang urine sample na isinumite ni Gerente sa dalawang testing facility.
Ang tanong ko lang sa PNP Forensic Group ay nagtanong ba sila sa PDEA at sa NBI accredited facility ukol sa testing na isinagawa ng mga ito?
Kasi ang protocol ng PDEA at NBI pagdating sa drug testing ay sinasamahan ng mga ito ang tao sa loob ng CR upang masiguro na hindi mapapalitan ang ihi.
Mayroon ding camera sa loob ng mga CR bilang karagdagang seguridad, sa madaling salita, pareho lang din ang procedure na ginagawa ng PNP.
Wala pang isang taon nakaupo sa pwesto bilang hepe ng Mandaluyong City Police Station si Col. Cesar Gerente nang ma-relieve ito sa pwesto.
250