BAKIT MAHIRAP ANG FILIPINO?

FOR THE FLAG

Noo’y marangya ang mga Filipino. Lahat ng tao ay may ginto na nakapulupot sa katawan. May ikinasal nga, ‘yung babae higit sa 20 kilo ng ginto ang nakabalot sa kanyang katawan. Ganyan kayaman ang Filipino bago dumating ang mga Kastila.

Nang dumating ang mga ganid na prayle, ipinahukay lahat ng mga nakalibing na mga yumaong Filipino at kinolekta ang mga gintong nakabaon kasama ng kanilang mga bangkay. Ang ilang por­syento ay ipinadala sa Espanya at ang iba naman ay pinaghatian na ng opisyal ng gobyerno at ng mga pari.

Sinunog ang mga record na patungkol sa a­ting mga kuwento, kaugalian at paniniwala at parang si Satanas noong tinutukso ang Panginoong Hesus, ginamit ng mga demonyong Kastila ang salita ng Bibliya para sa kanilang makasariling intensyon.

Diyan nagsimula ang kalbaryo ng Filipino. Matapos ang Kastila ay digmaan naman laban sa Estados Unidos at pagkasakop sa atin, nilula tayo ng ganda ng lahat basta stateside ika nga. Matapos noon ay ang panggagahasa sa bansa ng bansang Hapon. Matapos noon ay inipit tayo sa gitna ng mga nagbabanggaang ideyolohiya na Marxist at Global Capitalist.

Nabuwang na lalo ang mga Filipino, lalong nalito habang kumakalam ang sikmura at patuloy na ibinabaon sa utang ng World Bank at International Monetary Fund.

Hindi nagawa ng bansang maging isang industrialized nation. Mismong toothbrush kailangan pang i-import. Naging sunod-sunuran sa dikta ng polisiya ng ibang bansa at merkado, nanginginig ang tuhod dahil sa malnutrisyon habang patuloy na nagpapaalipin sa sariling bansa. Pinaghihirapang hukayin ang ginto upang ilagak sa paanan ng oligarkiya at mga banyaga.

Maging ang armadong pakikibaka na sinimulan ni Joma Sison ay nagmukha na lamang katawa-tawa dahil nagmistulang pantutulisan na lamang.

Para umasenso ang isang bansa, kinakailangan ng mga pangunahing imprastraktura katulad ng transportasyon, seguridad, kuryente at pasilidad para sa komunikasyon. Sa transportasyon ay mabigat na trapiko at kakulangan ng pampublikong mga sasakyan ang malaking hamon. Sa seguridad ay huling-huli ang ating sandatahang lakas kumpara sa ating mga kapit-bahay sa Asya, at ang pulisya naman ay patuloy na kinakailangang linisin mula sa masasamang elemento na nakapaloob dito. Ang kuryente naman sa bansa ang pinakamahal sa buong mundo. Sa komunikasyon, respektable na ang ating antas sa komunikasyon bagaman ang Internet sa Pilipinas ang isa sa pinakamabagal sa buong daigdig.

Ang hamon sa ating bansa ay maging isang industrialized na bansa at dito dapat nakatuon ang istratehiya ng gobyerno sa ilalim ng kanino mang administrasyon. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

188

Related posts

Leave a Comment