BAKIT WALANG MAAARING IKASO KAY APOLINARIO?

BAGWIS

Bago pa pumutok itong isyu tungkol sa KAPA (Kapa Community Ministry International) ay naging bahagi na ito ng ating kolum noon pang Pebrero. Noon pa man ay alam na natin na puputok ito gaya ng iba pang mga pyramiding scam.

Ang kaibahan lang ng scam ng KAPA ay mas sopistikado ang ginawang panloloko nitong si Joel Apolinario na siyang utak sa likod ng naturang grupo. Ito ang dahilan kung bakit kahit harap-harapan nang niloloko ang mga miyembro nito ay todo pa rin ang ginagawang pagtatanggol sa kanya.

Alam ni Apolinario na sasabit siya kapag ginawa niya ang naging modus noon ng Aman Futures investment scam ni Manuel Amalilio na ngayo’y nagpapasasa sa mga nakulimbat nitong salapi mula sa ating mga kawawang kababayan mula sa Mindanao.

Ito ang dahilan kung bakit ginawang isang religious group ni Apolinario ang KAPA. At gaya ng ibang religious groups, legal ang kanilang ginagawang panghihingi ng donasyon.

At upang mahikayat ka na magbigay ng malaking donasyon ay nangangako si Apolinario ng 30% na kita buwan-buwan mula sa iyong ibinigay na halaga. Ang tawag naman nila sa kanilang payout ay blessing.

In short, kahit magtuwad-tuwad itong National Bureau of Investigation at itong Philippine National Police ay wala silang maaaring isampang kaso laban sa KAPA at laban kay Apolinario.

Paano mo sasampahan ng kaso ang KAPA eh pumirma ng deed of donation itong mga naglagak ng salapi sa natu¬rang grupo? At hangga’t walang lumalabas na complainant ay walang kaso ang maaaring isampa kay Apolinario at sa kanyang alipores maliban sa mga naka-pending na estafa case nito sa Mindanao.

At ngayong nagdeklara na ng all-out crackdown si Pa¬ngulong Duterte laban sa KAPA, magkakaroon na ngayon ng dahilan itong si Apolinario para takbuhan ang mga mil¬yun-milyon niyang nabiktima tangay ang kanilang salapi. Eh balita nga natin, maliban sa helicopter ay nakabili na rin ng jet itong si Apolinario at ito namang mga miyembro ay bilib na bilib pa rin na ang kanyang layunin ay upang maiahon sila sa kahirapan.

Sa totoo lang eh nakakaawa itong mga miyembro ng KAPA. Wala silang kaalam-alam na sila ay ginagawang gatasan ng mga sugapang namumuno sa KAPA. Ang mas masakit dito ay hanggang sa huli ay nadadala pa rin sila sa mga pangako. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

104

Related posts

Leave a Comment