BAKLASAN NG ILLEGAL POSTERS

POINT OF VIEW

Sinimulan na ng “Task Force Baklas’ nitong Huwebes  ang pagtanggal ng mga illegal campaign materials sa Metro Manila matapos ang itinakdang deadline ng Commission on Elections sa mga kandidato na tumatakbo sa national posts na baklasin ang kanilang mga ikinabit na mga ilegal na campaign materials para sa gaganaping midterm elections sa May 13, 2019.

Ani Comelec spokesperson James Jimenez, isinakatuparan ang Oplan Baklas pagkatapos ng kanilang isinagawang documentation and preservation sa mga illegal campaign materials na kanilang gagamitin sa pagsasampa ng reklamo sa mga lumalabag na kandidato. Ang sinumang mapapatunayang lalabag ay papatawan ng kaparusahang 6-taong kulong, pagbabayad ng multa, at maaaring madiskuwalipika.

Ang campaign period para sa mga kumakandidato sa national posts ay nagsimula nitong Pebrero 12 at ang mga kandidato ay binigyan ng Comelec hanggang Pebrero 14 para tanggalin ang kanilang mga malalaking illegal campaign materials na nakalagay sa mga bawal na lugar na kanilang inilagay bago pa magsimula ang campaign period.

Ang ilang matitino at tuwid na mga kandidato ay sumunod sa kautusan subalit mas nakakarami pa rin ang pasaway at matitigas ang mukha na dinedma lang ito.

Karamihan sa mga nakolektang campaign posters at streamers ay nakalagay sa mga poste at kawad ng kuryente, mga puno, poste ng ilaw, pader ng mga pampublikong establisimento at mga nasa signboard ng ilang public properties.

Nakasaad sa Comelec  Resolution 10488, na nagsisilbi bilang implementing rules and regulations of the Fair Elections Act for the May 2019 polls, ang laki ng mga campaign posters ay hindi lalagpas sa 3 feet at kailangang ikabit sa mga itinakdang common poster areas o sa private property na may pahintulot ang may-ari.

Ang itinakdang common poster areas ay mga pampublikong lugar gaya ng mga plaza, palengke, barangay centers at iba pang katulad na lugar na madaling makita o mabasa ng publiko.

Gayunpaman, sa kabila nang paulit-ulit na paalala ng Comelec sa ipinatutupad na panuntunan at regulasyon sa paglalagay ng mga campaign materials tuwing eleksiyon, bakit may mga kandidato pa ring hindi sumusunod dito. Para ba makaisa?

Magpapalusot pa ang mga ito na hindi ang kampo nila ang naglagay sa mga bawal na lugar o naglagay ng over size na campaign materials kundi ang kanilang mga supporters na gusto lang tumulong sa kanilang kandidatura at sasabihing hindi alam ang mga regulasyon. Matagal nang palusot pero nakakalusot pa rin.

Kung mapapansin natin, ang mga pinakapasaway na mga kanditato ay yaong paulit-ulit nang kumakandidato at paulit-ulit din sa paglabag subalit wala namang ginawang aksyon ang komisyon sa kanilang mga ginawang paglabag.

Sana ang Comelec ay tuparin din ang mga nakasaad sa kanilang batas upang talagang maparusahan ang mga lumalabag na kandidato at huwag na talaga itong pahintulutang kumandidato pa muli.

Kaso ang nakakalungkot na katotohanan, tila malambot din ang komisyon at hanggang libro lamang nila ang mga ito at wala naman talagang napaparusahan.

Paano nga naman ito susundin ng mga mapagsamantala, abusado at makukulit na mga  kandidato kung walan naman talagang napaparusahan at hanggang pronouncement at pagbabanta lang ang Comelec?

Para naman sa mga kandidato, kayo ay tumatakbo sa isang government posts dapat magpakita naman kayo ng magandang ehemplo sa mga mamamayang Filipino, lalo na sa mga kabataan na kayo ay tuwid at sumusunod sa batas at hindi yaong magpapakita kayo na ehemplo o huwaran kayo ng mga makakapal ang mukha. (Point of View /NEOLITA R. DE LEON)

224

Related posts

Leave a Comment