BANTAY OFW MOBILE APP, IMPORTANTE PARA SA MONITORING NG MGA OFW

AKO OFW

Hunyo 2018 nang unang inilunsad  ng Advocates and Keepers Organization of OFW (AKOOFW) Inc. ang Bantay OFW mobile application na libreng maida-download mula sa Android Playstore ng mga OFW o ng mga papaalis pa lamang ng bansa.

Layunin ng Bantay OFW Mobile application na makumusta ang lahat ng mga OFW na nakapag-download nito kada-linggo upang maiparating ng mga OFW ang kanilang kalagayan o sitwasyon sa ibang bansa.

Tuwing araw ng Biyernes, ay may matatanggap na mensaheng “Kumusta Kabayan?” ang sinumang mayroong Bantay OFW Mobile app na maaaring sagutin ng “Mabuti” o “Hindi Mabuti”. Ang mga tumugon ng “Hindi Mabuti” ay agad na ipinapadala sa kani-kanilang ahensya upang sa gayoon ay kanilang personal na kumustahin ang kalagayan ng OFW na kanilang na-deploy sa ibang bansa.

Kung ang Bantay OFW Monitoring Center ay nakatanggap ng limang beses na  tugon na “Hindi Mabuti” ay awtomatikong ipinapadala na ito sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) upang mabigyan ng karampatang aksyon ng POEA ang ahensya na hindi tumutugon sa panawagan ng OFW na nagsasabing hindi mabuti ang kanyang kalagayan.

Naging kapaki-pakinabang ang Bantay OFW Mobile app sa isang Filipina na nagturista sa China at nabiktima ng illegal recruiter. Noong una siyang humingi ng saklolo sa akin, ay nahirapan ang DFA Consulate officers na matukoy ang kanyang kinaroroonan. Ngunit dahil sa pag-download agad ng Bantay OFW Mobile app at agad na pagpapadala ng “Help” o “Saklolo” ay agad na natukoy ang kanyang kinaroroonan.

Ilang araw na ang nakalipas, may isa namang OFW sa Saudi Arabia ang naghulog ng papel na napulot ng isa ring OFW na may mensahe na paghingi ng tulong. Ngunit hindi malinaw ang address na kanyang isinulat. Sa pagsisiyasat ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA) ay wala rin itong record sa data base, kung kaya ako ay nakiusap kay Gov. Reynaldo Tamayo Jr. na kung maaari ay hanapin ang pamilya nito sa South Cotabato na kanyang naisulat din sa papel.

Kung ang nasabing kababayan natin na nag­hulog ng mensahe sa papel ay mayroon lamang sanang Bantay OFW Mobile app, ay madali itong mahahanap. Isang simpleng mekanismo na gamit ang teknolohiya na kung ang lahat ng mga OFW ay magkakaroon nito, ay hindi na mahihirapan ang DFA at OWWA para sa pagbibigay ng saklolo. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

138

Related posts

Leave a Comment