BOC CHIEF DIR. GEN. FAELDON SINUSUNDAN NG MALAS SA ILEGAL NA DROGA

PRO HAC VICE

Talaga bang sinusundan ng anino ng kamalasan ng ilegal na droga si dating Bureau of Customs at ngayo’y Director General ng Bureau of Correction Nicanor Faeldon?

Mantakin n’yo naman nang dahil sa ilegal na droga ay nabahiran ang integridad ni Faeldon ng pamunuan nito ang Bureau of Customs (BOC) makaraang mapalusutan diumano ng kilu-kilong shabu na nahabol lamang nila sa isang bodega sa Valenzuela City.

Maging ang anak nito na si Nicanor Faeldon Jr. ay minalas din makaraang makasama sa mga naaresto sa isang bahay na pinaniniwalaang drug den sa Barangay Mabolo Naga City noong December 14, 2018.

Tapos ngayon ay heto milyun-milyong pisong transaksyon na naman ng ilegal na droga na nabisto ng Cebu PNP sa kanilang mga drug raid o operasyon sa Cebu na diumano’y nagmula sa isang Rustico Ygot na nakakulong sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City na nasa pangangasiwa o pamumuno ni Dir. Gen. Faeldon na ang katuwang pa sa pagbabantay ay ang Special Action Force ng Philippine National Police.

Sir, ano ba talaga ang iskor d’yan sa NBP? Mantakin n’yo po naman na ipinagmalaki pa noon ni da­ting Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre na hindi na umano makakapagtransaksyon pa ang mga high profile inmate sa loob ng NBP, dahil sa mayroon nang high-tech na signal jammer mula pa sa bansang Israel, ang in­i­lagay doon para ‘di na ma­kagamit ng mga cellphone ang mga bigtime drug lord na nakakulong sa NBP.

Pero itong lantarang pangwawalanghiya o sampal sa pamunuan ng BuCor at ng DOJ ang ginawa ni Rustico Ygot dahil bukod sa paggamit ng celphone sa kanyang ilegal na gawain eh naka-internet pa pala ito upang malaman din umano nito ang mga transaksyon niya sa ilegal na droga sa kanyang bahay sa Cebu na pinatatakbo ng kanyang girlfriend na naaresto ng PNP na kinilalang si Jocelyn Encilla? Ibig bang sabihin on and off ang signal jammer sa NBP?

Ang pagkakaalam ko istrikto si BuCor chief Faeldon at ‘di mo kaya itong palusutan pero sa ginawa ni Ygot nagmukhang @?!%¥•# si Faeldon!

Ano kaya ang saloobin ngayon ni Pangulong Mayor Rodrigo Duterte? ‘Yan pa naman ang kanyang laban, giyera kontra ilegal na droga!!!

At dahil rin sa salot na ilegal na droga…

Pinakakasuhan ngayon ng DOJ sa hukuman ang isang police Pasay na mi­yembro pa naman ng anti illegal drug team ng Police Station 1 sa Pasay City dahil na rin sa kasong paglabag sa Art 267 ng Revised Penal Code o kidnapping.

Ang suspek na si PO2 Sajid Anwar Nasser ay huli sa entrapment ng counter intelligence task force ng PNP makaraang tanggapin nito ang 100 libong piso na marked money para sa paglaya ng isang Jorge Gomez Revilla noong Marso 1-5 na ina­resto ng anti drug team ng Pasay City Police station 1 dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa kalakalan ng ilegal na droga.

Aprubado ni acting Prosecutor General Richard Anthony Fadullon ang anim na pahinang inquest resolution na isinumite ni Associate Prosecution Attorney Joan Carla Guevarra-Garcia.

Nakasaad din sa naturang resolution na ipa-subpoena  ang iba pang respondent na sina PLt Ronaldo Prades, PSSgt Rigor Octaviano, Patrolman Anthony Fernandez, at Patrolman Jhon Mark DG Cruz upang humarap sa itatakdang preliminary investigation ng DOJ kaugnay ng naturang kaso.

Batay sa reklamo ng PNP-CIDG sa DOJ, na nagsagawa sila ng entrapment operation sa Station One ng Pasay City Police noong Marso 6  dahil na rin sa reklamo ni Ginang Joan Junsay dela Torre, maybahay ni Revilla na hiningan sila ng 100 libong piso ng grupo ni PCpl Nasser para umano pakawalan na ang mister nito at di na nila kakasuhan pa ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Kung saan tanging si PCpl Nasser lamang ang nahuli makaraang magpulasan ang iba pa nitong kasamahan makaraang makatunog ang CITF na pala ang kausap ng grupo.

Kaugnay nito’y sinibak naman ni NCRPO Chief Guillermo Eleazar ang buong anti-drug team ng Station One kung saan nahaharap ngayon sa kasong administratibo at kriminal ang mga respondent. (Pro Hac Vice / BERT MOZO)

310

Related posts

Leave a Comment