BUSAL SA MALAYANG PILIPINO

HINDI na marahil bago sa kultura ng mga politiko ang kabi-kabilang paandar sa tuwing sasapit ang halalan gamit ang tatlong mekanismo – ang mga nagkalat na “Marites” sa mga eskinita ng mga pamayanan, social media at online editions ng mga pahayagan.

Nito lamang mga nakalipas na buwan, nakita ang bisa at impluwensyang kalakip ng social media at online editions ng mga pahayagan sa tulong ng makabagong teknolohiya. Dangan naman kasi, lumawak ang saklaw at pamamaraan ng kampanya kaugnay ng nalalapit na halalan.

Umusbong ang social media bilang bagong ­entablado ng mga politikong hangad isapubliko ang kanilang plataporma sa higit na maraming taong ­kayang imobilisa ng mga tradisyonal na pamamaraan.

Ang siste, ang kalayaang magpahayag ng mga pangkaraniwang tao – sa isang iglap pansamantalang naglaho dahil lang sa pansariling motibo – ang solohin ang makabagong anyo ng entablado.

Gayundin ang kalakaran sa mga pahayagang may kani-kanilang online editions.

Labindalawang taon makaraan ang Maguindanao Massacre na gumimbal sa buong mundo bunsod ng nakapangingilabot na pamamaslang sa 58 katao – kabilang ang 32 peryodista, patuloy pa rin ang pamamaslang sa hanay ng mga mamamahayag, na siyang nagbigay daan para makilala ang bansang Pilipinas bilang “Most Dangerous Country for Working ­Journalists.”

Bagaman nahatulan na ng husgado ang 28 personalidad kabilang ang dalawang higanteng politiko, nananatili ang banta sa nasabing lalawigan kung saan pinaniniwalaang nagkukubkob ang 80 iba pang nasentensyahan ng hukuman.

Bukod sa pamamaslang, sinasabotahe rin ang ­ilang peryodikong nabiktima ng cyber-attack sa hangaring busalan ang mga tagapagbalita ng kato­tohanan.

Buwan ng Pebrero nang lumpuhin ng halos isang buwan ng mga henyo sa larangan ng information technology ang news website ng SAKSI – “distributed denial of service (DDoS). Kahapon lamang, muling nalumpo ang website ng SAKSI, ilang araw matapos patawan ng suspensyon ng Facebook/Meta ang social media account ni Atty. Vic Rodriguez na tumatayong publisher ng naturang peryodiko. (Editor’s Note: Agad na binawi ng FB/Meta ang suspensyon matapos ­umani ng batikos mula sa mga Pinoy netizen. Palusot ng FB/Meta — “akala raw nila dummy account”).

Bukod sa SAKSI, marami iba pang news organization ang dumanas ng kabi-kabilang cyber-attacks.

Isa lang ang malinaw, target busalan ng mga salarin sa likod ng suspensyon ng mga social media account ng hindi na mabilang na netizens at cyber-attack sa websites ng iba’t ibang media organizations, ang karapatan ng malayang Pilipino.

107

Related posts

Leave a Comment