BUTI NAMAN

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

MARAMI ang natuwa sa desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na buwagin ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) dahil parang wala naman yatang malalaking tao na sangkot sa katiwalian ang kanilang naipakulong.

Bukod diyan, may low ranking officials daw ng PACC ang power tripper at ginagamit ang ahensya para balikan ang mga opisyal ng gobyerno na kanilang nakabangga bago sila na-appoint sa komisyon.

Binuo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang PACC sa pamamagitan ng Executive Order (EO) No. 43 matapos siyang magalit kay dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales at mga deputy nito na sina Melchor Arthur Carandang at Rodolfo Elman, at iniutos na ituloy ang fact-finding investigation sa alegasyon na meron itong illegal bank deposit na umabot sa P200 Million.

Layon nito na magsagawa ng lifestyle check at imbestigahan ang public officials at mga empleyado na ­pinaghihinalaang corrupt pero wala naman tayong nabalitaan na may mga nahuli sila at naipakulong na ‘big fish” sa gobyerno.

Kaliwa’t kanan ang ka­tiwalian sa nakaraang ­administrasyon. Aminin man nila o hindi, ang daming nangyaring kabulastugan sa pamahalaan na tila hindi takot kay Duterte.

May mga inimbestigahan ang Senado at Kongreso na katiwalian sa Department of Agriculture (DA), Bureau of Customs (BOC), Department of Budget and Management (DBM) at iba pang ahensya.

Ang pinaka-popular na katiwalian na nangyari ay ang pagpabor sa Pharmally Pharmaceutical Corporation na nabigyan ng malaking kontrata sa pagbili ng medical supplies kahit wala pa silang kakayahan dahil katatayo lang ng kumpanya.

Ang daming opisyales ng gobyerno ang nasangkot sa scam na ito pero hindi natin ­narinig na hinabol sila ng PACC. Hanggang ngayon wala pang nakakasuhan, kahit ang mga dayuhan na dikit kay Pangulong Duterte ay wala pa yatang kasong nai­sasampa laban sa kanila.

Nanganak pa ang PACC ng National Anti-Corruption Coordinating Council (NACC) at noong 2021 ay inilunsad nila ang Project Kasangga: Aksyon Kontra Korapsyon para bantayan ang mga anomalyang transaksyon sa paggamit ng pondo ng gobyerno sa pag­laban sa pandemya pero may nangyari ba?

Hindi sa ibaba nagkaroon ng problema sa paggamit ng COVID-19 funds na inutang pa ng gobyerno kaya baon tayo ngayon sa utang, kundi sa itaas pero may nangyari ba?

Trabaho rin ng PACC na tapusin ang red tape sa gobyerno pero malala pa rin ang serbisyo ng karamihan sa government agencies at hindi kumikilos ang mga papel kung wala kang kilala sa loob o kaya sa tulong ng fixer.

Parang nagsayang lang ng taxpayers money ang ­gobyerno sa komisyon na ito dahil wala naman silang naipakulong na corrupt officials kahit naghuhumiyaw ang katotohanan na sangkatutak ang nangyaring katiwalian noong panahon ni Digong.

Pero huwag masyadong magsaya ang mga public servant na corrupt dahil ang Office of the Deputy Executive Secretary for Legal Affairs ang hahabol sa kanila kapag hindi sila tumigil sa kanilang mga kabulastugan.

160

Related posts

Leave a Comment