BUWAGIN ANG PCGG!

MY POINT OF BREW Ni JERA SISON

ANG Presidential Commission on Good Government (PCGG) ay muling naging sentro ng ­atensyon sa Kamara. May saysay pa ba ang nasabing opisina matapos na ito ay itaguyod, 36 taon na ang nakalipas? Hindi naman kaila sa ating lahat ang pakay ng pagtayo ng nasabing commission noong panahon ni Pangulong Corazon Aquino. Ito ay ugat ng umanoy “ill-gotten wealth” ng pinatalsik na si ­Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1986.

***

Naku, sangkatutak na kaso ang isinampa ng PCGG noong panahon ni dating Sen. Jovito Salonga. Nauso nga ang salitang ‘sequester’ na naging bagong pandinig sa mga Pilipino. Tinatayang umabot ng $38.4 billion o P1.87 trillion ang halaga sa kasalukuyang taon, ng umano’y “ill-gotten wealth” ng mga Marcos.

***

Subalit tila nalalagay sa alanganin ang posisyon ng PCGG sa harap ng kasalukuyang administrasyon. Ang ­kasalukuyang pangulo ng ating bansa ay anak ng nililitis ng PCGG upang makuha muli ang nasabing “ill-gotten wealth”! Akalain n’yo? Wala sa ating kaisipan o imahinasyon na babaliktad ang gulong ng palad ng mga Marcos sa itinagal ng panahon!

***

Bugbog-sarado ngayon si PCGG chair John Agbayani sa kanyang pagdepensa sa kanyang opisina sa taunang budget ­deliberation sa Kamara. Naungkat tuloy ang mabagal na paglilitis at pagkuha ng mga umano’y iligal na kayamanan ng pamilya Marcos. Ayon kay Agbayani, P265 billion na ang narekober ng PCGG noong December 2021 at may hinahabol pa raw sila na mahigit na P125 billion na nakaw na yaman.

***

Pero teka, ayon kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, sa loob ng 36 na taon ay dapat ginagawa na nila ang mandato ng kanilang opisina. Kung baga, ang PCGG ay isang ahensya ng gobyerno na maaaring ilagay sa kategorya ng “walang forever”. Hindi katulad ito ng Comelec, CHED, CHR o mga kahalintulad na komisyon, na maaari nating matawag na may saysay maski ilang dekada na ang kanilang operasyon para sa serbisyong pampubliko.

***

Idinikit pa ni Rodriguez ang plano ng gobyerno ng “right ­sizing” ng burukrasya. Ang trabaho ng PCGG ay maaari nang gawin ng Office of the Ombudsman at ng Department of Justice sa pagpapatuloy ng paglilitis ng mga kaso laban sa pamilya Marcos. Pahayag pa ni Rodriguez, ang Office of the Solicitor General (OSG) ay may nililitis nang 87 na kaso na kasama na ang civil at criminal cases laban sa mga Marcos.

***

Sa aking opinyon, tama ang pananaw ni Rodriguez. Sa hinaba ng panahon ng PCGG, walang matibay na kaso silang napatunayan laban sa pamilya Marcos. Ang mga pahayag ng pagreremata nila sa gobyerno ng P600 million kada taon ay hindi ganoong kalaki kumpara sa naibibigay ng ibang mga ahensya sa gobyerno.

***

Maraming mga dating malalaking negosyo na na-sequester ng PCGG noong panahon ni ­Pangulong Aquino, ang nagsara at nalugi. Sa katunayan, ­maraming mga lupain na binansagan ng PCGG na walang matibay na ebidensya na may kaugnayan ang pamilya Marcos, ay ibinenta na nila na hindi namalayan ng publiko.

***

Sa katunayan, may kaso sa Sandiganbayan na iniutos sa PCGG na magpaliwanag sa kwestyonableng pagbenta nila ng isang malaking lupain sa Surigao del Sur na pag-aari ng isang Peter Sabido. Ayon sa PCGG, ang nasabing lupain ay may koneksyon sa pamilya Marcos. Ha?!

***

Heto pa, sinabi ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. na umamin ang PCGG na wala na silang nakikitang bagong kaso laban sa mga Marcos dahil sa kakulangan ng ebidensya laban sa kanila. “Sorry to say, but as I see it, you have outlived your usefulness after 36 years. The management of ­government property can be handled by other agencies… PCGG has existed too long,” ang pahayag ng Barzaga.

***

Buwagin na ang PCGG.

Sayang ang pera ng taumbayan sa pananatili ng nasabing ahensya. Tapusin na ang maliligayang araw ng estilong ‘Hitler’ ng PCGG na may kahit na anong bahid ng suspetsa, ay may kapangyarihan silang i-sequester at ibenta ang mga ari-arian na umano’y pag-aari ng pamilya Marcos. Tama na. ­Sobra na. Buwagin na.

Related posts

Leave a Comment