Kulong at multa isasama ANTI-BULLYING LAW PALALAKASIN

KWIDAW na dapat ang mga bully, hindi lamang sa loob ng eskuwelahan kundi maging sa labas kasama na ang lugar ng trabaho at social media, dahil maaari na silang makulong at pagmultahin ng malaking halaga.

Ayon kay PBA Party-list Rep. Margarita Nograles, kailangang bigyan na ng ngipin ang Republic Act (RA) o Anti-Bullying Act dahil mula nang maging batas ito noong 2013 ay dumami pa ang biktima ng bullying sa eskwelahan.

“In fact, at least 6 out of 10 students are being bullied, which is nearly 3 times higher compared to developed countries,” ani Nograles kaya inihain nito ang kanyang House Bill (HB) No. 2886 o Stop Bullying Act of 2022.

Layon ng nasabing panukala na amyendahan ang nasabing batas na ang tanging sakop ay mga eskuwelahan lalo na sa elementarya at high school at isama na ang mga lugar ng trabaho kung saan nagkakaroon din ng bullying, at maging sa social media at iba pang uri ng komunikasyon.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, ang tanging parusa ay administrative sanction sa public school officials kapag nagkaroon ng bullying sa kanilang eskuwelahan at pagbawi naman sa permit ng private schools.

Dahil dito, mistulang hindi epektibo ang nasabing batas para pigilan ang bullying kaya nais ng mambabatas na magkaroon ng parusa sa mga taong mapatutunayang guilty sa pambubully.

Nais ng kongresista na patawan ng parusang hanggang anim na taon ang mapatutunayang guilty sa pambu-bully o kaya multang mula P50,000 hanggang P100,000.

Hindi lamang pisikal na pananakit ang ituturing ang pambu-bully kundi ang mga pagpapahiya, panghaharas sa kaklase, katrabaho, kalaro, na idinadaan sa teknolohiya katulad ng texting, email, instant messaging, internet, social media at iba pang media platforms kapag naipasa ang nasabing panukala. (BERNARD TAGUINOD)

2404

Related posts

Leave a Comment