DALAWANG LINGGO NA LANG

DALAWANG linggo na lang malalaman na natin kung sino ang papalit kina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo at manunungkulan sa susunod na 6 na taon o mula Hunyo 30, 2022 hanggang Hunyo 30, 2028.

Malalaman na rin natin kung magkakaroon ba ng mga bagong senador dahil may 6 na bakanteng posisyon sa senado habang ang natitirang 6 ay tatangkain ng mga reelectionist na balikan.

May mga nag-graduate na senador noong 2019 na magtatangkang bumalik sa Kongreso at meron ding mga natalunan na gustong balikan ang dating puwesto sa Senado.

Pero karaniwang nangyayari, ang mga natalong senador ay bihirang makabalik sa Senado. Kung mabalik man sila, parang tsamba na lang pero madalas hindi na sila ibinabalik ng taumbayan kaya nagkakaroon ng puwang para sa mga baguhan.

Sa mga congressman, karaniwang nakakabalik sila at bihira ang natatalo dahil kahit papaano meron silang naitanim sa kanilang distrito hindi tulad ng mga reelectionist sa Senado na kapag walang napatunayan sa Senado ay hindi na sila ­muling naiboboto.

Mas madali kasi sa ­congressional campaign dahil sa isang distrito ka lang nangangampanya hindi tulad ng Senado na sa buong bansa ka iikot para manuyo ng mga boto.

Ang mga congressman, hanggang 7 bayan lang sila nangangampanya na sakop ng kanilang distrito habang ang mga senador ay sa 13 rehiyon sila manunuyo ng mga botante.

Mas madaling makabalik sa Mababang Kapulungan lalo na kung ang reelectionist congressman ay mamimili ng boto habang ang mga senador, kailangan nilang gumastos sa kanilang TV Commercial at kapag hindi ka sikat at ma­yaman, hindi ka matatandaan ng mga tao.

Ibig sabihin, sumusuka ­talaga ng pera ang mga ­kandidato sa pangangampanya kaya walang karapatan ang mga mahihirap na sumali sa larong ito ng mga pulitiko. Kung bakit, ang serbisyo publiko, ­eksklusibo sa mga may pera.

Naging ugat din ng pagkakahati-hati ng mga Pinoy ang eleksyon at ang mga nag-aagawan ay hindi ang mga pulitiko kundi ang kanilang mga supporter. Divisive kung baga ang halalan kahit saan panig ng mundo.

Pero dalawang linggo na lang at matatapos na ang batuhan ng putik, insultuhan at pagkawatak-watak ng bansa, sa ayaw natin o hindi, magkakaroon at magkakaroon tayo ng mga bagong lider.

Sana lang pagkatapos ng halalan, magkaisa uli ang ­sambayanang Filipino at tanggapin natin kung sino ang ­mahahalal, gusto man natin sila o hindi para sa ating bayan.

Walang mangyayari sa ating bansa kapag hindi tayo magkaisa sa likod ng mahahalal na mga bagong lider. Kailangan nating kaligtaan ang mga ­insultuhan at paghilumin ang sugat na dulot ng halalan para sa ating bayan.

114

Related posts

Leave a Comment