HINDI lamang ang mga opisyales ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang dapat habulin sa pagnanakaw ng pondo ng mga miyembro kundi ang kanilang mga kasabuwat na ospital at mga doktor.
Naniniwala ako na nangyayari ang katiwaliang ito dahil sa kutsabahan ng mga tiwaling pagamutan at mga duktor at kailangang habulin sila at parusahan dahil kung hindi, magpapatuloy ang pagnanakaw nila sa pinagpawisan ng mga miyembro lalo na ang mga ordinaryong manggagawa.
It takes two to (tango) to commit corruption” ika nga nila kaya lahat ng nagsasabuwatan sa pagnanakaw na ito sa perang sapilitang kinakaltas sa sahod ng mamamayan ay dapat parusahan.
Tatlong administrasyon na ang nagdaan at lagi na lamang nagkakaroon ng katiwalian sa paghawak ng pondo ng mamamayan para sa kanilang kalusugan pero wala pang napaparusahan.
Hindi kasi sineseryoso ang paghabol sa kanila dahil pagkatapos ng imbestigasyon ng mga senador at congressmen ay mamatay na lamang ang isyu at walang nangyari sa kasong inerekomendang isampa ng mga mambabatas.
Kailangan ang tulong dito ng hudikatura para masiguro na mapabilis ang paghabol sa mga tiwaling ito na pinagkakakitaan ang kalusugan ng mamamayan at kailangang tiyakin din ng ehekutibo na mawala sa puwesto mga sangkot sa korupsyon habang nakasampa ang kaso.
Nagawa na ng Kongreso ang kanilang trabahong mag-imbestiga at tukuyin kung sino ang mga sangkot sa katiwalian sa isang ahensya tulad ng PhilHealth na ito pero walang pagkilos sa dalawa pang sangay ng gobyerno…ang ehekutibo at hudikatura.
Mahalaga ang tulungan ng tatlong sangay ng gobyerno para masugpo ang katiwalian sa dito pero kung ang Legislative branch lang ang kikilos at magpapabaya ang Executive at Judiciary Branch, eh talagang walang mangyayari dyan.
Ang nangyayari kasi, nasa poder pa ang mga pinaghihinalaang sangkot sa katiwalian at napo-promote pa sila kung minsan imbes na alisin sila sa puwesto at ang masaklap, mahina ang kasong isinasampa laban sa kanila na para bang sina sadya na lang lagi.
Kayang kumuha ng mamahaling abogado ang mga tiwali dahil sa dami ng kanilang ninakaw kaya laging nabubutasan ng mga de kampanilyang abogado ang kasong isinasampa ng ehekutibo sa kanila kaya madalas naabsuwelto sila.
Masyadong mabagal naman ang sa pagdedesisyon sa isang kaso ng katiwalian at kahit malakas ang kasong isinampa kaya ubos na ang ninakaw ng mga tiwali bago sila masentensyahan kaya wala ng mahahabol na danyos sa kanila.
Karaniwan ding nangyayari na bago maglabas ng sentensya ang korte ay nasa banig na ng karamdaman ang akusado at hindi na puwedeng ikulong dahil matanda kaya walang nangyayari sa kaso.
Kung mga bata pa at puwedeng makulong ang mga akusado at nasentensyahan sila sa kanilang pagnanakaw ay binibigyan naman sila ng leeway ng Korte na iaapela ang sentensya sa kanila sa higher court at pinapagayan silang makalaya habang inaapela ang kanilang kaso maliban sa plunder case.
Dapat magsanib puwersa ang tatlong sangay ng gobyerno sa kampanya ng pamahalaan laban sa mga tiwali para may mangyari dahil tulad ng sabi ko, pauulit-ulit na lang yan na mangyayari.
71