Iba rin umano itong si Jervino Maglunob, dating Chief-of-Staff ng Bureau of Customs (BoC) Enforcement Group, dahil habang nag-e-enjoy umano sa masarap na buhay sa nabiling farm sa lalawigan ng Laguna ay halos hindi naman magkandaugaga sa paghahanapbuhay ang negosyante na inutangan umano nito ng tumataginting na P13 milyon.
Pagkatapos umanong lapitan ni Maglunob ang negosyanteng si Bernie Miaque upang maglabas ito ng P13 milyon para pondohan ang kanyang negosyo ay tila nagkaamnesiya na umano ito. Ang masaklap ay hiniram lang din ni Miaque sa mga kamag-anak ang malaking parte sa halagang ibinigay nito kay Maglunob dahil sa pag-aakalang tutubo ang kanyang perang ipinautang.
Ito ang dahilan kung bakit nagreklamo sa NBI itong si Miaque at nais niyang makasuhan ng large-scale estafa si Maglunob.
Base sa affidavit-complaint na isinampa sa NBI, sinabi ni Miaque na nagtiwala siya na pautangin ng malaking halaga si Maglunob, alyas Jervs, simula taong 2014 hanggang 2016, dahil maliban sa may katungkulan ito noong panahong iyon sa BoC ay nagpapakilala rin umano ito na may-ari ng ilang negosyo at malapit din umano ito sa mga kilalang politiko.
Maliban sa kanyang posisyon noon sa BoC, nagpapakilala rin umano si Maglunob na nagmamay-ari ng Omega Global Options Security Service Inc. na isang security agency at Professional Management Strategists International Inc. na isa namang manpower pooling company.
Nagpakilala rin umano si Maglunob na isa sa mga lider ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada at Senator JV Ejercito bilang National Chairman ng grupong Kabataan ng Masang Pilipino (KAMPIL).
Sa kanyang affidavit, sinabi ni Miaque na hinikayat umano siya ni Maglunob na pautangin siya ng P13.443 milyon upang matustusan ang ekspansyon ng kanyang mga negosyo. Nangako umano ito na agad ding magbabayad na may kasamang 10% interest pagkatapos ng isang taon.
Upang mapatunayan na malakas umano si Maglunob sa ilang politiko ay inimbitahan pa siya sa birthday party nito sa Oceana Restaurant SM By the Bay noong May 2014, kung saan kasama sa mga guest sina Mayor Estrada, Sen. Ejercito at kanyang ipinapakilalang “ninong” na si Jose Dechavez.
Dahil nangako naman na magbabayad kasama ang karampatang interes at dahil na rin sa napakaraming pangakong mga tulong para sa kanya ay hindi na nag-atubiling maglabas ng pera si Miaque upang pautangin si Maglunob.
Ngunit noong dumating na umano ang panahon na maaari nang ma-encash ang mga post-dated checks na inisyu ni Maglunob bilang pambayad ay tumalbog umano lahat ito dahil wala na itong mga pondo. Forever dedma na rin umano si Maglunob sa mga tawag at text ni Miaque.
At ang mas masaklap, lumalabas na namili umano ng mga lupain itong si Maglunob at may napakalaki umano itong farm sa San Pablo City, Laguna para umano sa mga alagang mga panabong. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)
132