DEPENISYON NG ENGKANTO

FOR THE FLAG

Sa orihinal na pagkakaunawa ang salitang “engkanto” ay nangangahulugan na mga lamang-lupa o mga nilalang na ispiritwal ang pinagkakaugatan. Ngunit may iba akong pakahulugan diyan. Maraming engkanto sa ating lipunan. Mga engkantong anyong tao. Ang iba’y mababasa ang mga pangalan sa mga pahayagan, nasa likod ng mga dambuhalang TV network, mga multong may mga kamay na pumapatag sa mga bundok, mga kaluluwang lumalason sa hangin, mga kaisipan na pinantatakip sa kamulatan, mga engkantong nasa likod ng kapangyarihan at tumatabas sa kasaysayan ng bansa.

Mga engkanto ngang nananahan sa mga matatandang puno na pinagkakataguan ng sobra-sobrang kayamanan, mga nagtatago ng mga simulain ng kababalaghan, lumalandas sa dugo ng lahing nilinta ang tunay na pinagmulan at kasaysayan hanggang makalimot na.

Basta engkanto may pinoprotektahan. May mga sundalong ang naging misyon ay maghukay ng kayamanan sa gitna ng pagpaparamdam ng mga hindi nakikita, sa gitna ng mga kwentong kahihintakutan kahit mismo ng mga armadong kawal.

Sa huli ang kaawa-awa ay ang taumbayan, na nilulublob sa kahirapan, sa desperasyon at pagkalayo sa mga katotohanang nalimot na niya.

Sila pa itong mga ginagamit ng mga engkanto ring ang ideyolohiya ay nanggaling sa mga bundok sa ibayong dagat at nanahan na rin sa mga bundok at kagubatan sa mga isla, lumulusob at pinag-aapoy ang gabi ng kanilang ningas kapag hindi napagbibigyan.

May mga engkantong ginawa nang lupa ang dagat, pagkat ang lupa sa dagat kayamanang mas mahal pa sa gintong kumikinang, sinisiguro na ang taumba­yan ay hindi makakalampas sa mga guhit na itinadhana sa mga shopping mall.

Hindi papahuli ang engkanto sa matabang pulis dahil ang mismong pulis naengkanto na rin, makailang beses na nag-uwi sa hapag ng mga mumo na mula sa pinagkainan ng mga engkanto.

Walang katapusang pang-eengkanto sa ba­yang ipinakalimot na ang pinagmulan, kung paanong si Jose Rizal mismo ay nakalimot hagipin ng kanyang dakilang pluma ang mga banaag na tinakpan ng sapin-saping mga sapot ng inimbentong mga alaala.

Ang nagtangkang humab­lot sa mga sapot na si Andres Bonifacio mismo ay tinarakan ng kamatayan upang huwag nang makasumpong ng sulyap sa banaag.

Salamat sa panulat, sasamahan ng bawat letra ang dugong mapanuri hanggang piglas ng liwanag ay tuluyan nang bumukadkad at iladlad ang tunay na pagkakakilanlan ng mga engkantong bantay. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

212

Related posts

Leave a Comment