MAGANDANG araw, mga ka-Saksi at mga kabayani!
Naglunsad ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mobile service program sa Al Khobar at iba pang lugar sa Eastern Region ng Saudi Arabia dahil sa patuloy na paglago ng pangangailangan ng overseas Filipino workers doon.
Sa launching ng programa, sinabi ni Labor Attaché Hector Cruz, Jr. ng Philippine Overseas Labor Office sa Al Khobar, pinayagan ng Saudi authorities ang operasyon ng POLO-on-wheels para sa serbisyong consular, welfare at documentary requirements ng mga Pinoy sa nasabing rehiyon.
Magandang balita dahil mismong ang Saudi Ministry of Foreign Affairs ay pumayag na magmantine ang POLO ng isang hotel-like shelter sa labas ng syudad para matuluyan ng distressed OFWs at sa mga naghihintay ng repatriation.
“We are proud to report that we have been allowed by the ministry to have our POLO on wheels and accept public services 3 times a week,” pahayag ni Cruz
Malaking tulong ito sa mga OFW dahil hindi na magbibyahe pa ang mga kababayan natin ng 430 kilometers patungo sa POLO sa Riyadh upang makahingi ng tulong at mag-asikaso ng mga requirement.
Binigyan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ng go signal ang paglulunsad ng mobile service program ng POLO sa Al Khobar para hindi na mahirapan ang mga Pinoy na makapag-avail ng serbisyo ng pamahalaan at matiyak ang kanilang proteksyon at kapakanan sa nasabing rehiyon.
Tiniyak ni Cruz na tuloy-tuloy ang gagawin nilang outreach program sa mga Pinoy na hindi nararating ng serbisyo ng ating pamahalaan para sa kaginhawaan ng ating mga kababayan.
Tinatayang nasa 220,000 hanggang 230,000 Filipinos ang nagtatrabaho sa eastern region ng Saudi Arabia.
Good news!
Tiyak na ang makukuhang 3-seats ng AKOOFW party-list (#10 sa balota) na pinamumunuan ng first nominee na si Dok Chie Umandap.
Ito’y kung pagbabasehan ang mga lumalabas na survey para sa party-list elections.
Lumabas sa Pulse Asia survey na pumalo sa top 2 ang AKOOFW party-list na may statistical chance na manalo sa nalalapit na eleksyon sa Mayo 9, 2022.
Sa latest online party-list survey ng HalalanPH2022, pasok sa top 5 ang AKOOFW na may 6.75% ng respondents na bumoto.
Isinagawa ang survey nitong Jan. 23 hanggang March 30, 2022.
Ngayon pa lang ay todo pasasalamat na ang tatlong nominees na sina Dok Chie, Coco Naik at Nald Santos sa tiwala at kumpiyansa ng ating mga OFW, pamilya ng mga OFW, at mga kababayan natin sa nasabing partido.
“Maraming salamat po sa inyong pagtitiwala at patuloy na suporta. Asahan po ninyo na ipagpapatuloy pa rin natin ang mas masidhing pangangampanya, para maiparating sa bawat pamilya ng OFWs ang aming adbokasiya na inilalatag para sa kapakanan ng bawat OFWs, sampu ng kanilang pamilya,” ayon kay Dok Chie.
Saludo ako sa mga OFW na nagsasakripisyo para sa kanilang mga pamilya rito sa Pilipinas.
Mabuhay kayo!
Para sa inyong sumbong, reaksyon, opinyon at suhestyon, ipadala lang sa dzrh21@gmail.com.
304