PAGSAPIT ng araw ng Lunes, Mayo 9, 2022, muling uukit ng kasaysayan ang sambayanang Pilipino. Gamit ang kapangyarihan ng balota, itatakda ang kinabukasan ng sambayanan – tayo ba’y tuluyan nang malulugmok o babangon sa masamang bangungot?
Ang reyalidad, walang kandidatong magsasabing busilak ang kanyang layunin sa pagtakbo. Gayunpaman, tulad ng mga prutas na ibinebenta sa mga pamilihan, madaling kumilatis ng hinog, bubot o bulok.
Tulad din ng aral mula sa mga nakatatanda, higit na angkop ang maging mapanuri sa pagpili ng susunod na mamumuno at mangangasiwa sa pondong mula sa buwis na pinaghirapang kitain ng mamamayang Pilipino.
Sukdulang ihambing ang buwis sa pawis at dugo.
Tulad ng isang dagat, puno ng misteryo ang mga kandidato. May puro ingay, patutsada at paninirang sumasalamin sa kanilang pagkatao – walang lalim. Isa lamang mababaw na sapa.
Tulad ng lata ng sardinas na karaniwang ulam ng mga maralita, mawawari mo kung siksik at liglig kung walang ingay ang paggulong sa isang sementadong sahig.
Malaking bentahe ang mga nakalipas na buwan para sa kampanya. Dito kasi mababasa ng mga rehistradong botante ang nilalaman ng puso ng mga politiko. Dito rin mababatid ang kanyang plataporma de gob-yerno. Gayundin ang kanyang kakayahang mamuno.
Nakalulungkot nga lang isiping sinayang lamang ng ilang prominenteng kandidato ang 90-araw na ibinigay ng Commission on Elections (Comelec) sa paninira at pagkakalat ng maling balita, na tila ba ang tingin sa masa ay pawang mga tanga.
Tapos na ang kampanya, pero ang paninira sa kapwa wala pa rin patumangga.
Piliin ang karapat-dapat, may tunay na pagmamahal sa bayan at hindi kayang diktahan ng mga oligarkong sa loob ng mahabang panahon ay namayagpag gamit ang kanilang puhunang donasyon sa kampanya ng napiling tuta.
Piliin ang may nakalatag na direksyon tungo sa pagbangon ng bansang sukdulang inilugmok ng mga gahaman sa posisyon.
Piliin ang may sariling paninindigan at hindi ang mga nabubulungan ng pulutong ng mga trapong sakim sa kapangyarihan.
Higit sa lahat, iwaksi ang ano mang tangkang pagsabungin ang mga sektor ng lipunan.
Gawa hindi dada. ‘Yan ang kailangan ng mamamayang Pilipino.
382