SA pag-upo ng bagong Pangulo sa Hunyo, asahan ang malaking pagbabago sa polisiya, partikular sa usapin ng pakikipag-ugnayan sa mga banyaga.
Ayon sa susunod na Pangulong si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., hindi nililimitahan sa Tsina ang relasyon ng Pilipinas, kasabay ng pahiwatig ng pag-ayon sa mas matatag na pakikipagkaibigan ng bansa maging sa Estados Unidos.
Higit na kilala ang mga Pilipino sa pagiging magiliw sa kapwa – kesehodang pobre o makwarta, at ‘yan mismo ang nais ipahiwatig ng susunod na administrasyon. Walang masamang tinapay, ika nga.
Ang totoo, sadyang malayo sa polisiya ng nakaupong Pangulo ang magiging posisyon ng mga nakalipas na administrasyon. Sa isang banda, mas kailangan ng Pilipinas ang mas malusog na kalakalang posible lang kung mahihikayat ang mas maraming kapitalistang mamumuhunan sa bansa sa layuning makalikha ng mas maraming trabaho at dagdag kitang tutugon sa mas maraming pangangailangan ng mamamayang Pilipino.
Ang panawagang pagkakaisa, hindi dapat magwakas kasabay ng pagtatapos ng halalan. Mas kailangan ng bansang inilugmok ng pandemya ang kolektibong pagkilos ng bawat isa para malampasan ang perwisyong inagwanta.
Hindi maikakailang mabigat ang hamong haharapin ng susunod na administrasyong nagmana ng mahabang talaan ng problema kabilang ang P112.6 trilyong pagkakautang ng bansa, pinakamataas na bilang ng walang hanapbuhay, mataas na antas ng inflation rate, populasyong pinagwatak-watak ng pulitika, malawakang katiwalian sa hanay ng mga tanggapan ng pamahalaan, pagsasamantala ng mga ganid na negosyante, terorismo at marami pang iba.
Sa puntong ito, mas angkop ang sama-samang pagkilos at pagtanggap at respeto ng mamamayan sa naging pasya ng sambayanan sa idinaos na
halalan.
Tapos na po ang halalan. Panahon na para tayo’y muling magsama-sama at kumilos nang naaayon sa tawag ng panahon at pangangailangan ng sambayanang Pilipino.
Huwag magpadala sa pambubuyo ng ilang hangad lamang ay isulong ang sariling interes. Iwaksi ang taktikang “divide and rule.”
Move on tayo!
116