Kaisa tayo ng Department of Agrarian Reform sa pamamahagi ng lupang sakahan para sa mga magsasakang walang sariling lupa na unang hakbang ng gobyerno upang mabago ang buhay ng mga benepisyaryo.
Sa kabuuan, 807 agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa Rodriguez, San Mateo, Teresa, Morong, Baras, Pililia, Jalajala, Tanay, at Pinugay – mga lugar na sakop ng Ikalawang Distrito ng Rizal, ang tumanggap ng kanilang Certificate of Land Ownership Awards para sa 737.0017 ektarya na lupang sakahan na ipinamahagi noong Setyembre at Oktubre.
Tiniyak din natin sa ARBs na ang suporta ng gobyerno ay hindi nagtatapos lamang sa pamamahagi ng lupa bilang pagtalima sa Comprehensive Agrarian Reform Program.
Babalangkas kami ng mga pamamaraan upang siguruhin na mapapakinabangan nang husto ng mga benepisyaryo ang lupa na kanilang natanggap. Magtutulungan kami hindi lang para maiangat ang buhay nila, kundi para na rin umusbong ang agrikultura sa aming distrito.
Inatasan na natin ang ating mga tauhan na makipag-ugnayan sa mga ahensiyang may kinalaman sa pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program kung ano pa ang karagdagang suporta na maaari nating ibigay sa farmer-beneficiaries.
Layunin natin na direktang ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga benepisyaryo sa halip na dumulog ang mga ito kung saan-saan. Madalas kasi hindi na prayoridad ng magsasaka ang magtanong at lumapit sa pamahalaan para humingi ng tulong. Nangangahulugan ito na hindi nila alam kung anong mga serbisyo ang pwede nilang makuha sa ating gobyerno.
Tutulungan natin ang farmer-beneficiaries na madaling makalapit sa credit facilities para magkaroon ng pondong magagamit sa pagpapaunlad ng ani at makabili ng kagamitan sa pagsasaka. Handa rin tayong magbigay ng technical assistance at magturo ng wastong pagpapatakbo sa pananalapi upang matiyak na ang kabuhayan ng mga magsasaka ay umasenso.
Ang pagbibigay ng mabilis na access sa pananalapi ay isang paraan upang hindi lumapit ang mga benepisyaryo sa mapagsamantalang nagpapautang o tuluyang mauwi sa pagbenta ng kanilang lupa.
Ang pagbubuklod ng mga ahensiya upang makabuo ng malakas, masigla at mapagkakatiwalaang mga organisasyon at pagpapakilala ng mga makabagong paraan upang mapataas ang kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng iba’t ibang proyekto ang siyang magdudulot ng malaking pagbabago o paglago.
Sa aking mga kalalawigang magsasaka, pagyamanin natin ang handog na palupa. (Forward Now / Rep. Fidel Nograles)
174