ANG mungkahi, suhestiyon, panukala, at ibang palagay na maaaring humantong sa magkaibang pananaw ay dapat pag-isipan kung ano ang diwa o kakanyahan at kaugnayan sa napapanahong paksa nang sa gayon ay malinaw na masuri ang kabutihang maibubunga nito.
Ang iminumungkahi ni Northern Samar Rep. Raul Daza na ibasura ang licensure board examinations, na pinangangasiwaan ng Professional Regulatory Commission (PRC), dahilan sa patuloy na pagbaba ng passing rate sa mga pagsusulit, ay hindi nagpapakita na anti-poor at anti-student ang PRC board exams.
Lahat ng mga estudyante, maykaya o mahirap, ay naghanda para sa eksaminasyon, at hindi sukatan ang ilang buwan na review ng kahandaan ng estudyante para maipasa ang exams dahil ang pundasyon ng kaalaman ay nagsisimula sa pagtungtong nila sa kolehiyo.
Panawagan ni Daza sa kapwa mambabatas at maging sa PRC, na repasuhin ang polisiya na ipinatutupad sa mga licensure exam.
Ipinunto ni Daza ang nakalap na datos mula sa PRC na nasa 40.81% lang ang nakalusot sa 36 na propesyon sa nakalipas na anim na taon.
Ang mungkahi ni Daza: Bigyan ng lisensiya ang mga nagtapos sa ilang kurso – partikular ang mga pobreng estudyanteng walang kakayahan tustusan ang gastusing kalakip sa pagre-review bago kumuha ng licensure exam.
Kadalasan ay ginagamit ng ibang mambabatas ang kahirapan ng tao para maisulong ang mungkahi, panukala o anomang intensyon.
Upang makakuha ng merito at kalugdan ng mga walang yaman?
Kung nais ng mambabatas na tulungan ang mga estudyante, ay bakit hindi siya gumawa ng paraan para magkaroon ng libre o abot-kaya na review para sa kapos na mga estudyante?
Mukhang hindi tamang tanggalin ang licensure exams, at lalong wala sa katwirang pababain ang passing rate at pamantayan ng exams upang marami ang pumasa.
Huwag ituon sa bilang ng mga pumasa o bumagsak sa licensure exams. Ang pagiging masigasig ng estudyante sa pag-aaral, suporta ng eskuwelahan na tinitiyak na handa ang estudyante sa eksaminasyon ang bigyan ng tamang atensyon.
Kung mababa na ang kalidad ng edukasyon, tapos binasura pa ang licensure exams, baka lalong lumala ang problema.
May mga dahilan kaya marami ang bumabagssk sa exams, at ito ang dapat tutukan ng mga mambabatas. Ang mga pananaliksik ay sinusuportahan ng pag-aaral upang maging patas at may kredibilidad ang magiging suhestyon at desisyon.
186