Kamakailan ay nagkaroon ng pagdinig sa Senado si Sen. Bato dela Rosa kung saan nagsalita ang mga nanay na dinukot umano ang mga anak ng mga progresibong grupo tulad ng Anakbayan. Galit na galit ang baguhang senador at ex-PNP chief Dela Rosa sa mga aktibista dahil sa “brainwashing” umano ng mga ito sa mga kabataan.
Ngunit, nagsalita na rin ang mga kabataan at pinabulaanan ang pagdukot sa kanila. Anila, sila ay sumapi sa mga progresibong organisasyon tulad ng Anakbayan upang ipagtanggol ang karapatang pantao na nilalabag ng pulis at militar. Gayundin, sila ay nasa wastong gulang na, 18, upang makapagdesisyon para sa sarili, nang walang pagpilit at brainwashing, na magsilbi nang walang kapalit sa sambayanan.
Tulad nina Rizal, Bonifacio, Del Pilar, at iba pang bayani ng sambayanang Filipino na nagsimula sa kanilang makabayang gawain noong sila ay kabataan, maraming kabataan sa kasalukuyan ay tinatanggap ang hamon ng panahon upang baguhin ang bulok na sistemang umiiral sa bayan. Ang totoo, kahanga-hanga ang mga kabataan at mamamayan na kumikilos hindi lamang para sa sarili at sariling pamilya, ngunit para sa kagalingan ng buong bayan. Hindi ba’t ito ang tunay na kahulugan ng pagiging makabayan?
Kaya naman, dapat kondenahin si Sen. Dela Rosa sa paggamit ng samaan-ng-loob sa loob ng mga pamilya upang bigyang katwiran ang ginagawa nilang pagsupil sa demokratikong karapatan ng mamamayan. Ang ‘pag-aalala’ niya sa mga kabataang ligtas naman at nasa hustong gulang na ay kabalintunaan sa ginagawang malawakang pagpatay sa mga bata, kabataan, sanggol at libu-libo pang pinapatay ng madugong giyera laban sa droga. Sa pagpaslang sa 3-taong gulang na namatay sa drug war, ang sinabi ni Dela Rosa ay “Sh*# happens” na nais din niyang ibaba ang criminal age sa siyam na taong gulang: wala siyang tunay na pag-aalala sa mga buhay ng mga kabataan. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
137