HINDI SOLUSYON ANG DAGDAG-BUWIS

MAKARAAN ang dalawang taong sakdal-dusang dulot ng ­pandemya, nasadlak sa ­matinding problema ang madla – kawalan ng trabaho, bagsak na negosyo at gutom sa maraming Pilipino. Kaya naman ang unang tugon ng ­gobyerno, mangutang ng daan-daang bilyong piso.

Sa isang banda, walang masama kung mangutang ang gobyerno para matustusan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino. Ang siste, mas lumobo ang katiwalian kaysa mga pagkakautang.

Nang masilayan ang pag-asa sa pagnipis ng bilang ng mga nahawa, biglang lumutang ang bagong ideya – dagdag-buwis na pasakit sa masa.

Giit ni Finance Secretary Carlos Dominguez, kailangang magpataw ng dagdag-buwis sa mamamayan nang sa gayon aniya, mabayaran ang utang ng bayan.

Partikular na tinukoy ng kalihim sa isang panayam kamakailan, ang nasa halos P6-trilyong halaga ng salaping hiniram ng gobyerno sa ilalim ng termino ng nakaupong ­Pangulo sa Malakanyang.

Susmaryosep! Bakit ang walang muwang na mamamayan ang babalikat sa utang na kanilang kagagawan?

Sa datos ng pamahalaan noong Disyembre ng nakaraang taon, pumalo na ang utang ng bansa sa nakakapanindig-balahibong P11.7 trilyon – at nadagdagan pa sa pagpasok ng buwan ng Enero.

Ang totoo, hindi na kailangan ng pamahalaan ang dagdag-pasakit sa sambayanan, sa dami nang batas kaugnay ng pagbubuwis sa lipunan – ang expanded value-added tax (VAT), ang Tax Reform

for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, excise tax, sin tax, income tax, at marami pang pinag­huhugutan ng katiwalian.

Ang higit na angkop, tuldukan ang katiwalian at itanim ang kulturang katapatan sa hanay ng mga lingkod-bayan.

Pero teka… hindi sapat ang matigil ang katiwalian sa pamahalaan. Mas mainam kung mabibitbit ang mga tiwali sa loob ng kulungan!

353

Related posts

Leave a Comment