HUSTISYA PARA SA MGA NAPAPAG-IWANANG SEKTOR

FORWARD NOW

NANANAWAGAN tayo sa ating mga kapwa mambabatas sa Kamara na agarang ipasa ang ating panukalang batas upang palawakin ang Public Attorney’s Office (PAO) pati na rin ang batas na magtatatag ng legal aid programs sa mga private at public law schools sa bansa na titiyak sa pagkakaroon ng access sa hustisya ng marginalized sectors o mahihirap nating kababayan.

Sa ilalim ng House Bill No. 4281 o “Public Attorney’s Office Modernization Act of 2019” na isinusulong natin sa Kongreso, mas palalawakin nito ang mandato ng PAO upang isama ang libreng legal na tulong sa mga nagrereklamo o petitioners.

Sa kasalukuyan, ang mandato lamang ng PAO ay sumasaklaw sa pagbibigay ng legal assistance sa mga mahihirap na nasasakdal sa pagkakasalang kriminal, sibil, paggawa, ­administratibo at quasi-judicial cases.

Itinatakda rin sa panukalang ito ang paglalaan ng isang legal na pagtatanggol at pondo ng representasyon sa lahat ng mga tanggapan ng gobyerno, kabilang ang sandatahang lakas, upang matulungan ang mga opisyal at mga empleyado na may mga kasong isinampa laban sa kanila para matanggal sa kanilang mga tungkulin.

Kabilang din sa panukalang batas na ito ang pagtataas ng retirement benefits ng PAO personnel na magi­ging katumbas sa National Prosecution Service sa ilalim ng Prosecution Service Act of 2010, kasama na ang mga susog sa hinaharap.

Inaasahan natin na ang modernisasyon sa PAO ay makatutulong sa hangarin nating mapadali ang pag-access at mas mabilis ang dispensasyon ng hustisya sa mahihirap nating mga kababayan.

Ang House Bill No. 2993 o “Legal Aid Program Act of 2019” na isa rin sa mga isinusulong natin ay naglalayong dagdagan ang mga serbisyong ipinagkakaloob ng PAO at iba pang pampublikong tanggapan na nagbibigay ng libreng legal na tulong dahil sa napakaraming kasong idinudulog sa korte.

Napag-alaman natin na ang PAO sa kasalukuyan ay may higit sa 2,000 abogado lamang kung saan ang bawat isa ay humahawak ng 5,794 na kliyente at 458 mga kaso kada taon at nagmamantine ng isang mandatory legal aid clinic na tutugon sa mga pangangailangan ng mga tao na walang kakayahang kumuha  at magbayad ng pribadong abogado.

Naniniwala tayo na ang paglikha ng isang komprehensibong legal aid program at makatwirang pamantayan para sa mahihirap, partikular sa mga taong hindi nakakamit ang tamang hustisya. Isang paraan ito upang maipakita natin sa publiko na tumatalima tayo sa mandatong nakasaad sa Konstitusyon – na magpatupad ng sistemang pang-hustisya na accessible sa lahat.

 

164

Related posts

Leave a Comment