HUWAG SUKUAN ANG PAGMAGMAHAL

Psychtalk

Kapansin-pansin marahil na ibinuhos ko ang ispasyo ko sa tema ng pag-ibig sa halos buong buwan ng Pebrero. Nais kong ito pa ring ito ang pangsara kong tema. Sa sarili kong karanasan kasi, laging masarap pag-usapan ang paksang ito. Hindi ito nakakapagod na pagnilay-nilayan. Laging maraming may masasabi tungkol dito. Sabi nga, mainam na may paniniwala, pag-asa, at pag-ibig. Pero sa tatlong ito, ang pag-ibig ang pinakadakila.

Pero isang katotohanan na minsan may mga taong nagsasabing napapagod na silang magmahal. Dahil sa ekspektasyong ‘di natupad o sa mga ibinuhos na panahon na hindi natumbasan ng partner. Kahit sa mga kaibigang piniling ialay ang buhay hindi sa tao, kundi sa isang pinaniniwalaang adhikain, may mga ilan ding napagod at nagpahinga.

Sa buhay kasi, anuman ang ginagawa, ‘di naiiwasan minsang mapagal lalo na kung sobra na ang mga hamon—hindi na magkandaugaga sa mga ginagawa, sa mga inaasahang ‘di nagkakatotoo; sa mga dumarating na suliranin. O kaya, o wala naman nagbabago sa sitwasyon o nagaganap sa mga adhikain. ‘Yung iba naman ay laging wasak ang puso dahil sa mga ‘di matinong kausap o kasama sa buhay.

Paano nga naman magpapatuloy magmahal kung laging kumakalam ang sikmura, o ang puro laman o natitira sa bulsa ay hamak na barya? Masarap din kasing magmahal kung may mga kaparaanan ka para ito ay maipakita sa minamahal, o ikaw mismo ay maranasan din sa konkretong termino ang mga manipestasyon nito. Kaya’t ‘di masisi ang ibang taong pipipili minsang sukuan na ang pag-ibig.

Ngunit, sa kaduluhan, mainam pa rin ang may pagmamahal. Dito nag-uumpisa ang gana sa buhay—may dahilan ang mga pagsisikap, may kabuluhan ang mga pasakit, may tinutunguhan ang mga balakin at kilos. Makabuluhan pa ring dahil sa pag-ibig ay tuloy ang laban ng buhay: para sa kinabukasan ng anak, pamilya; para mapaligaya ang mga totoong minamahal sa buhay, para sa ikauunlad ng komunidad, o bayan; para sa ikabubuti ng marami, hindi lang ng sarili. Ika nga,’di bale nang sumugal at natalo sa pagmamahal, kaysa ‘di mo kailanman hinayaan ang sarili mong maranasan ito.

Huwag sumuko sa pagmamahal. ‘Yan ang umpisa ng kamatayan, ang kawalang-pakialam. At ‘pag nawalan ka na ng pakialam– sa sarili mo, sa iba, o sa mga nangyayari sa paligid– buhay ka pa pero para ka na ring patay, kung ‘di man mas masahol ka pa sa patay.  (Psychtalk / Dr. Evangeline Ruga. PhD)

143

Related posts

Leave a Comment