IMPEACHMENT VS SARA (Anong gagawin mo, PBBM?)

KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari

BALOT ngayon ng hiwaga ang posisyon ni Presidente Bongbong Marcos sa sinimulang giyera politikal ni Vice President Sara Duterte laban sa Malakanyang.

Marami ang nag-aabang sa gagawing pagganti ni PBBM upang tuluyan na niyang walisin ang natitira pang kabuluhan ni Sara sa pamahalaan.

Pagkatapos mabulgar ang misteryosong paggastos o pagwaldas sa P612.5 million na “confidential fund” (CF) ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education noong siya ang kalihim nito – na sinundan pa nang direktang pagbabanta sa buhay ng mga katunggali niya sa pulitika kahit pa umatras si Sara at nagpaliwanag na mali ang pagkakaunawa sa kanyang pahayag -inaasahan ng marami ang gagawing mabalasik na hakbang ng Malakanyang upang sibakin na ang Bise Presidente sa gobyerno.

##########

Unang hinihintay ang gagawing pagsasampa ng mga disipulo ng Malakanyang ng impeachment complaint laban kay Sara. At dahil ang mayorya sa Mababang Kapulungan ay mga alipores ng Pangulo, tiyak na lulusot ito sa botohan ng mga kasapi.

Sa proseso ng impeachment ay ipapasa ng Kongreso sa Senado ang pagdedesisyon sa reklamo. Ang mga senador ang tatayong hukom na magbibigay ng hatol kung sisipain ba ang Bise Presidente palabas ng gobyerno o hindi. Kailangan ang boto ng 16 na senador upang patalsikin si Sara.

Pero nitong nakaraang linggo, bakit biglang nag-utos si PBBM sa kanyang mga alipores sa Kongreso na huwag isulong ang impeachment laban kay Sara? Marami ang nagtaas ang kilay. Sa paliwanag ng presidente, sayang lang daw ang oras. Wala daw namang mapapala ang mamamayan.

Napagtanto ba ng Palasyo na hindi sila makakukuha ng sapat na boto sa Senado para sibakin si Sara?

Dahil sa direktang bilang ng matatapat na mga alipores ni Duterte sa Senado ay tiyak na ang siyam sa mga ito. Tatalon ang mga ito sa Pasig River basta’t inutusan ni dating Pangulong Duterte. Bukod sa siyam, may mga senador pa rin na nanonood lang muna at naghihintay ng grasya o anopaman kapalit ng kanilang boto.

Sa ganitong sitwasyon, estratehikong hakbang ang ginawang tila pag-urong ni PBBM.

Para sa kanila ay makapaghihintay ang impeachment. Ilang buwan na lang ay eleksyon na at tiyak na pipilitin ng Malakanyang na manalo ang kanilang mga kandidato upang makuha nila ang solidong mayorya sa Senado. Nasa kanilang kontrol ang buong aparatus ng gobyerno upang maisagawa ito.

##########

Pero nitong nakaraang Lunes, tinangggap ng Kongreso ang unang impeachment complaint laban kay Sara na isinampa ng mga taong simbahan, kinatawan ng iba’t ibang sektor at pamilya ng mga biktima ng madugong drug war ni dating Pangulong Duterte.

Ano ngayon ang gagawin ng mga alipores ng Malakanyang sa Kongreso partikular si Speaker Martin Romualdez? Dededmahin nila ang reklamo at hindi ito palulusutin sa kabila ng katotohanan na atat na atat silang sibakin na si Sara?

Nakatingin ngayon sa Malakanyang ang mapanuring mata ni Juan de la Cruz. Kung hindi ito susuportahan ng mga kongresistang bataan ni PBBM at susundin ang kanyang utos na huwag mag-aksaya ng oras sa impeachment, lalabas na parang may kinatatakutan ang Pangulo sa posibleng konsekwensa kung ito ay aaprubahan ng Kongreso.

Mananatili na lang ba sila sa panonood kay Sara sa patuloy na pagwasak niya sa kanyang sarili resulta ng kanyang walang-prenong tabas ng dila, mga baluktot at walang basehang argumento sa isyu ng dekwatan sa kanyang pondo na lalong sumisira sa kanyang putikang reputasyon sa mata ng mamamayan?

Pero hindi basta na lang mawawala sa eksena ang amazona mula sa Davao City. Tiyak na may hawak siyang mga alas laban sa kanyang kalaban. Ito ba ang pinangingilagan ni PBBM?

##########

Kamakailan ay nagsalita si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ng Simbahang Katoliko at umapela sa mga nag-aaway na lider ng pamahalaan na wakasan na ang sigalot dahil nagdudulot ito ng pagkakahati-hati sa bansa at nakaliligtaan na rin ang kapakanan ng taong-bayan.

Nanawagan din si Cardinal Advincula sa mga miyembro ng simbahan na magdasal para sa pagbabalik ng kaayusan at katahimikan sa bansa.

Pero hindi na makukuha sa dasal ang solusyon sa ugat ng problema. Kailangan sigurong iuntog na ang ulo ng mamamayan, ang mahigit 80 porsyento ay Katoliko, dahil ang taong-bayan ang may likha ng sigalot.

Ang mamamayan ang naglagay sa puwesto sa nagbabangayang mga politiko. At tulad sa mga nagdaang eleksyon, palpak ang kanilang mga ibinoto.

Sa susunod na halalan, dapat na umangat ang mga taong simbahan sa kanila-kanilang mga suking pulitiko na nagbibigay ng “donasyon” kapalit ng mga papuri.

Bagkus ay dapat silang aktibong kumilos, kumampanya at manawagan na dapat maging matalino na ang mga Pilipino sa pagboto. Ibasura ang mga korap at manderekwat na kandidato na ang karamihan naman ay beso-beso sa mga lider simbahan.

17

Related posts

Leave a Comment