TARGET ni KA REX CAYANONG
SA kasalukuyang pulitika ng bansa, hindi maikakaila ang tensyon sa pagitan ng ilang sektor ng pamahalaan, lalo na ang kontrobersiyang bumabalot sa posibleng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa political analyst na si Ronald Llamas, ang kinalabasan ng isyung ito ay maaaring magdulot ng malaking epekto sa imahe at liderato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Malinaw ang naging direktiba ni Pangulong Marcos sa kanyang mga kaalyado na huwag nang maghain ng impeachment complaint laban kay VP Sara.
Ngunit, sa kabila nito, may mga pananaw na maaaring binibigyan pa rin niya ng espasyo ang ibang grupo upang itulak ang nasabing hakbang.
Ang ganitong uri ng pagdistansya ay maaaring magbigay ng impresyon na ang Pangulo ay nagiging maingat sa harap ng lumalalang tensyon sa pagitan nila ni VP Sara.
Hindi biro ang mga akusasyon laban kay VP Sara. Mula sa umano’y pagpaplano ng pagpaslang sa Pangulo at sa kanyang pamilya, hanggang sa isyu ng maling paggamit ng confidential funds, ang mga ito ay nagiging pangunahing usapin sa publiko.
Bagama’t itinanggi na ng Pangalawang Pangulo ang mga alegasyon, nananatiling sensitibo ang sitwasyon dahil sa banta ng impeachment.
Sa pananaw ni Llamas, ang impeachment trial ay isang mapanganib na larangan, hindi lamang para kay VP Sara kundi pati na rin sa liderato ni Pangulong Marcos.
Kung makalulusot si VP Sara sa mga pagsubok na ito, maaaring mabahiran ng kahinaan ang liderato ng Pangulo, lalo na’t tila hindi niya kayang harapin nang buo ang mga isyung bumabalot sa kanyang administrasyon.
Kung sakaling magtagumpay naman si VP Sara sa impeachment trial, magkakaroon siya ng bagong momentum na maaaring magpabago sa dinamikong pulitikal.
Ang tagumpay na ito ay maaaring magbalik ng tiwala ng ilang politiko sa pamilya Duterte.
At maaari pa itong magdulot ng mas matinding kompetisyon sa pagitan ng dalawang pinakamakapangyarihang pamilyang pulitikal sa ating bansa.
Ano palagay ninyo, mga giliw kong tagasubaybay?
16