Sa kauna-unahang pagkakataon, inihayag ni US President Donald Trump ang posibilidad na magpadala ng mga tropang Amerikano sa bansang Venezuela sa gitna ng matinding krisis-pampolitika na kinakaharap ng gobyerno ng sosyalistang si Pangulong Nicolas Maduro.
Kung mangyayari ang sinasabing interbensyong militar ni Trump ay malinaw na isang tunay na imperyalista ang Estados Unidos na ang tanging pinangangalagaan ay ang kanilang pang-ekonomiya at pampolitikang interes sa Venezuela.
Suportado ng US si National Assembly President Juan Guaido na una nang nagpahayag na siya ang interim president ng Venezuela at namumuno ngayon sa oposisyon para patalsikin sa puwesto si Maduro.
Iginigiit ni Guaido at ng oposisyon na ang ikalawang termino ni Maduro sa pagka-pangulo noong Mayo 2018 ay kuwestiyonable kaya hindi nila kinikilala si Maduro bilang lehitimong presidente ng Venezuela.
Kilala ang bansang Venezuela bilang isang oil-exporting country dahil sa dami ng langis sa Lake Maracaibo at minsan na itong ikatlong bansa na may pinakamaraming reserba ng langis kaya naging miyembro ng makapangyarihang Organization of Petroleum-Exporting Countries (OPEC).
Pero mas nakilala ang Venezuela nang maging pangulo ng bansa ang dating Army Colonel Hugo Chavez na naging kontrobersyal dahil sa kanyang pagiging kontra sa mga patakaran ng Estados Unidos na taliwas sa interes ng Venezuela.
Taong 2001 nang mag-sponsor ng kudeta ang US sa Venezuela na nag-alis sa puwesto kay Pangulong Chavez pero sa loob lamang ng ilang buwan ay nag-counter coup ang mga tagasuporta ni Chavez sa militar at muli siyang naibalik sa puwesto.
Naputol ang termino ni Hugo Chavez nang mamatay siya dahil sa brain cancer at ang pumalit sa kanya ay ang kanyang kapartido at kapwa sosyalista at anti-US na si Nicolas Maduro.
Walang duda na patuloy ang pakikialam ng Imperyalismong US sa bansang Venezuela dahil sa malaking reserba ng langis nito at ang bansang US ang nangungunang exporter ng langis galing sa naturang OPEC member.
Noong Nobyembre 2018, nagkaroon ng direktang banta sa buhay ni Maduro sa pamamagitan ng mga bombang nakalagay sa drones. Nabigo ang planong pagpatay kay Maduro at dalawang army generals ang sinampahan ng kaso at nakulong dahil dito.
Nananatili sa poder si Maduro sa kanyang ikalawang six-year term at suportado pa rin ng kanyang mga kababayan na ang mayorya ay mahihirap na manggagawa at magsasaka na siya ring base ng suporta noon ni Hugo Chavez.
Bansang Cuba pa rin ang nangungunang alyado ng Venezuela at nagpahayag ng kahandaan nitong sumuporta sakaling may direktang pakikialam na militar ang US gaya ng ginawa nito sa Cuba noong “Bay of Pigs” invasion noong 1963.
Inaasahang lulubha pa ang krisis sa Venezuela lalu pa’t aktibong nakikiaalam ang US sa internal na problema ng nasabing bansa kung saan taong 1958 natapos ang panahon ng mga diktadurang militar na suportado ng Central Intelligence Agency.
Sa ilalim ng administrasyon ni Trump muling naging aktibo ang CIA sa destabilisasyon ng mga anti-US na gobyerno gaya ng kay Maduro at hindi nakakapagtaka kung isang ay muling magkakaroon ng kudeta sa Venezuela gaya ng nangyari noon kay Hugo Chavez. (SIDEBAR / RAYMOND BURGOS)
410