JEEPNEY MODERNIZATION, TULONG BA O NEGOSYO?

KAALAMAN Ni Mike Rosario

PAKIRAMDAM ng mga tsuper/operator ay hindi tulong kundi pabigat sa kanila ang isinusulong ng gobyerno na jeepney modernization program.

Sa presyo na isa hanggang dalawang milyong piso (P1M-P2M) ng bawat unit ng modern jeep ay mahihirapan na makabayad ng buwanang hulog ang mga tsuper/operator.

Siyempre kung hindi nila kayang magbayad ng buwanang hulog sa modern jeep ay hahatakin ito sa kanila ng nagpautang sa kanila.

Kaakibat n’yan syempre, patay ang hanapbuhay nila.

Sabihin na nating komportable ang mga pasahero dahil aircon ang bawat unit ng sinasabi nilang modern jeep pero pabigat naman ito sa mga tsuper/operator dahil sa sobrang mahal nito.

Pabor din ito sa mga negosyante na gumagawa ng modern jeep dahil wala silang kahirap-hirap ay madi-dispose nila ang kanilang mga unit.

Ang hindi pa maganda rito ay mawawala ang tradisyunal jeep na naging simbolo na ng Pilipinas dahil ito ang paboritong sakyan ng mga dayuhang bumibisita sa bansa.

Papatayin din ng modern jeep ang mga Pilipino na gumagawa ng tradisyunal jeep.

Imbes na paghusayin na lamang ang paggawa ng tradisyunal jeep ay mas pinapaboran pa ang multinational company na gumagawa ng modern jeep.

Sa ganang akin ay tama lang ang ginagawa ng mga tsuper/operator na ipaglaban nila ang kanilang karapatan na hindi mawala ang tradisyunal jeep na bahagi na ng history ng Pilipinas.

Kung pagbabasehan ang mga lumabas na modern jeep ay hindi itong masasabing jeep kundi mini-bus.

Kung totoong malasakit ang gusto ng gobyerno sa mga tsuper/operator, tigilan na nila ang pagpipilit na alisin ang tradisyunal jeep ng modern jeep.

Obyus naman kasi na may kikita dito, subalit perwisyo naman sa mga naghihikahos na mga tsuper/operator ng tradisyunal jeep.

Bukod dito kailangan pa sumapi ang isang tsuper sa kooperatiba bago siya maging kwalipikadong makakuha ng modern jeep.

Esep-esep din, mga bossing, ‘pag may time, ‘wag puro pagkakaperahan.

605

Related posts

Leave a Comment