Dumulog sa Ako OFW sa pamamagitan ng ating volunteer na si Anne Mahinay ang ating kabayani na si May Anna Loveras.
Reklamo nito, ibinenta at hindi ibinigay ang kanyang sahod na halos 3,700 riyals.
Noong nasa Sharora, ikinulong siya ng kanyang unang amo sa kwarto sa loob ng limang araw ng walang pagkain. Hiniling umano niya sa kanyang amo na uuwi na lamang siya sa Pilipinas ngunit hindi siya pinayagan dahil hindi pa umano siya bayad sa mga nagastos nito sa kanya.
Nagpasya si Loveras na tumakas. Paglabas umano niya ng pinto ng bahay ay may nakakita sa kanyang pulis at tinanong siya.
Sinabi nito sa pulis na ikinukulong siya at hindi pinapakain ng kanyang amo.
Tinawagan ng pulis ang kanyang amo at sinabihan itong pauwiin na si Loveras. Pinapirma ang kanyang amo na pauuwiin siya ng alas-4:00 ng hapon na flight pabalik sa Pilipinas. Ngunit pagdating nito ng Riyadh airport at dahil hindi siya marunong bumasa ng Arabic ay ipinabasa niya ang dala niyang papel sa isang Pinay na nakasabay niya at sinabi nitong hindi pauwi ng Pilipinas ang kanyang biyahe kundi hanggang Riyadh lang.
Hanggang sa sumabay siya sa isang Pinay na lumabas sa pinto ng airport at may nakita umano siyang isang lalaki na inutusan umano ng Teqaath agency nito para sunduin siya sa airport. Dinala siya sa isang bahay na maraming Filipino na tulad niya ay kinukulong at walang maayos na pagkain. ‘Di rin makakontak sa Pilipinas dahil kinukuha ang mga celfone, ballpen at papeles.
Dahil sa masaklap pa ring napuntahan, hiniling ni Loveras sa bantay na bigyan sila ng employer. Ang bantay mismo ang nagsabi na huwag silang mag-alala sapagkat ibibigay sila sa kabilang agency.
Kinabukasan dinala sila sa kabilang agency at kinulong ulit ng tatlong buwan at wala pa ring trabaho at maayos na pagkain. Marami mang employer, pero ang problema mahal umano ang benta ng agency.
Sa isang taon pa lamang ay nakawalong employers na si Loveras pero ayaw namang ibigay ang kanyang sahod na halos 3,700. Pinipilit din umano siyang pumirma ng kontrata ulit at kapag hindi siya pumirma ay ayaw siyang hanapan ng amo.
Ang gusto ng ating kabayani ay makuha na ang kanyang sweldo at umuwi na lang sa Pilipinas. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
174