KARAPAT-DAPAT NA HOUSE SPEAKER ANG IUPO

POINT OF VIEW

Habang nalalapit na ang pagbubukas ng 18th Congress sa susunod na buwan, naglulutangan na ang mga pangalan na gustong masungkit ang pinakamataas na posisyon sa House of Representatives at Senado.

Sa Senado, dalawang pangalan lang ang lumalabas, ito ay sina incumbent Senate President Vicente Sotto at reelected Senator Cynthia Villar.

Nagkaroon ito ng kaunting sigalot sa pagitan ng incumbent at incoming senators, pero ayon sa mga lumabas na balita ay nagkahilutan na sila sa ini-host na dinner ni Senator Manny Pacquiao sa kanyang bahay sa Makati. Sinasabi na sure ball nang mananatili sa puwesto si Sotto dahil nagpahayag na ng suporta sa kanya ang incoming administration senators kapalit ng committees.

Pero habang hindi pa tapos ang aktuwal na botohan, hindi pa rin tayo makakasi¬guro, antayin na lang natin sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa darating na July 22.

Ang nakaka-excite talaga ay ang labanan sa speakership sa House of Representatives. Siyam na pangalan ang lumulutang na interesado para pumalit sa bababang si House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.

Kabilang sa mga naglalabasang pangalan na maglalaban sa speakership ay sina dating House Speaker at Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez, Pampanga Congressman Aurelio Gonzales at si Marinduque 2nd termer Congressman Lord Allan Jay Velasco na kapwa mula sa ruling party na PDP-Laban na partido ni Pa¬ngulong Rodrigo Duterte.

Interesado rin daw ang tatlong ‘Administration Allied Lawmakers’ na sina Congressman Alan Peter Cayetano ng Taguig City, Congressman Martin Romualdez ng Leyte at ang first timer na si Presidential son, Cong. Paolo Duterte ng Davao City.

Ang dalawa pa ay sina Capiz Congressman Fredenil Castro at si outgoing Senator Loren Legarda na nahalal nitong nakalipas na eleksiyon bilang kinatawan ng lone district ng Antique.

Sa labanan sa Speakership, kanya-kanyang bilib ng mga aspirants sa kanilang sarili. Wala namang masama pero ang hindi katanggap-tanggap ay tatakbo at maghahangad ng speakership na wala pang taglay na kuwalipikasyon maliban sa pagiging kaalyado ng First Family o bumili ng boto. Hindi ba kamakailan ay sinabi nitong si Alvarez na talagang may nangyayari umanong bilihan ng boto para sa speakership?

Wala tayong sama ng loob o sinusportahan sa mga pangalang nabanggit para maluklok sa nasabing posisyon.

Mapili sana ang talagang kuwalipikado, may malawak na karanasan bilang mambabatas, respetado, at mataas ang moralidad sa lipunan, dahil napakahalagang posisyon na ito para sa pagbuo, paglikha at pag-akda ng  mga importanteng batas na makakabuti para sa ating bansa. Ito rin ang pangatlo sa “Presidential Line of Succession.” (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)

126

Related posts

Leave a Comment