Pinag-iisipan ng Bayan Muna na kasuhan ang Department of Energy o DOE sa pagpapabaya nito sa kanilang tungkulin na panagutin ang mga oil company sa kanilang mga dagdag-presyo. Imbes na protektahan ang interes ng mga Filipino ay tila sila ay nagiging tagapagtanggol na lamang ng mga pagtaas ng presyo ng petrolyo. Isang matibay na halimbawa nito ay ang hindi nila paglalabas ng memo ukol sa Unbundling of Oil Prices.
Matagal nang may memo ang DOE na Unbundling of Oil Prices, na hanggang ngayon ay hindi nila inilalabas.
Ang “unbundling” o ang pagtitilad ng presyo ng petrolyo ay mahalaga upang makita natin kung may overpricing sa presyo ng langis. Dito makikita kung magkano ang gastos sa importasyon, pagkakarga, transportasyon, additives, at iba pang proseso.
Ngayon ay nakaamba na naman ang isang big-time na pagtaas ng produktong petrolyo. Tiyak na kawawa ang mga tsuper sa bagong pagtaas na ito, kasunod na ang mga pasahero at mga mamimili dahil sa tiyak na pagtaas ng pamasahe at bilihin.
Nasa mandato ng DOE ang panagutin ang mga oil company sa presyuhan. Liban pa, kayang patawagin at pagpaliwanagin ng DOE secretary ang mga oil company sa ilalim ng Section 12 at 15 ng Oil Deregulation Law. Ngunit, tila naging spokesperson at abogado na lamang ang DOE ng Big 3 (Shell, Caltex, Petron.)
Noon pang November 2017, nangako ang mga oil companies na isusumite nila ang kanilang ulat hinggil rito. Pero 2019 na, wala pa rin silang ibinibigay. Bulag ang sambayanan kung bakit patuloy ang pagtaas ng krudo, na lagi na lamang inilulusot sa pagtaas nito sa World Market.
Kapag hindi pa inilabas ng DOE ang memo sa Unbundling of Oil Prices, maaaring kasuhan na sila ng Bayan Muna sa pagpapabaya sa kanilang tungkulin na protektahan ang mamamayan. (Sidebar/ RAYMOND BURGOS)
139