KASO NG NAWALAN NG BAGAHE SA VICTORY LINER NAAYOS NA NG RAPIDO

RAPIDO NI TULFO

ILANG linggo na ang nakaraan nang lumapit sa Rapido si Wendell Ang, isang miyembro ng LGBTQ.

Sa reklamo ni Wendell, sumakay umano siya ng Victory Liner mula Isabela, kung saan siya sumali sa isang beauty contest doon, pauwing Maynila nang mawala ang kanyang maleta.

Laman umano ng maleta ni Wendell, na isang dating OFW, ang kanyang gown, mga sapatos , make-up kit na ginamit niya sa contest, at iba pang mamahaling kagamitan na kanyang nabili noong siya ay nagtatrabaho pa bilang OFW.

Ayon sa kapwa driver at konduktor ng Victory Liner na sina Ganny Laranang at Juan H. Aguilar, nahulog daw ang nasabing maleta habang bumabyahe ang bus sa bandang Nueva Vizcaya.

Pero ayon sa nakausap nating matagal nang nagtatrabaho sa bus industry, imposibleng may mahulog na gamit mula sa compartment ng bus dahil may susi dito ang driver at konduktor, bukod pa sa maganda at bago ang mga bus ng Victory Liner, kaya’t imposibleng mabuksan nang basta-basta ang compartment ng mga bagahe. Mas malamang daw na ninakaw ang maleta.

Dahil dito, agad na nakipag-ugnayan ang Rapido sa pamunuan ng Victory Liner.

Nagpatawag ng paghaharap ang Victory Liner, kasama si Wendell, ang driver, konduktor at ang Rapido.

Sa una, iginiit ng representatives ng Victory Liner na sina Joel Mendoza at Glenda Roldan na nakasulat naman daw sa likod ng ticket ng bus ang policy ng nasabing bus company kung saan sinabing dapat ay idineklara ni Wendell na mamahalin ang dala niyang bagahe para sa kaukulang bayad at insurance para dito.

Pero ayon kay Wendell, hindi niya alam ang ganoong policy dahil hindi naman niya binabasa ang sobrang liliit na sulat sa likod ng mga ticket. At sino nga naman ang matiyagang nagbabasa nito habang nakasakay sa umaandar na bus?

Sa imbestigasyong ginawa ng Victory Liner, napagdesisyunang pagbayarin ang dalawang driver sa nawalang mga gamit ni Wendell, bilang kabayaran sa kanilang kapabayaan.

Kahapon, May 16, 2023, muling nagharap-harap ang grupo sa opisina ng Victory Liner at nabayaran ng P20,000.00 si Wendell, bilang kabayaran sa kanyang mga gamit. Hindi man ito ang halaga ng kanyang gamit ay tinanggap na rin ni Wendell upang matapos na ang problema.

Iminungkahi ng aming programa sa pamunuan ng Victory Liner na magpaskil ng paalala sa mga pasahero na kung mahalaga ang kanilang mga dalahin ay ideklara ito upang mabayaran ang kaukulang freight charges kung sakaling mawala o masira ang bagahe, ng katumbas na halaga nito.

187

Related posts

Leave a Comment