KC CARGO NAMAN MULA SA JAPAN ANG AMING INAKSYUNAN

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

ISA na namang reklamo ukol sa balikbayan boxes na hindi pa nakararating sa mga pamilya rito sa Pilipinas, ang ating binigyan ng pansin.

Ilang kababayan nating nakabase sa Japan ang inireklamo ang KC Cargo na nakabase sa Japan. Ayon sa mga mensaheng aming natanggap sa aming official FB messenger account, ang dapat na ilang linggo lang na paghihintay sa mga padala ay inabot na ng ilang buwan.

Dagdag pa ng mga ­humihingi ng tulong, madalas na hindi sumasagot sa kanilang mensahe ang KC Cargo at kung may sasagot man ay malabo ang paliwanag nito kung kailan ­darating ang kanilang mga ipinadala sa kanilang pamilya.

At sa amin ngang pagtalakay sa reklamo sa programa nito lang Martes, napatunayan nga namin na totoo ang mga reklamo na walang sumasagot sa mga linya ng telepono na nakalagay sa kanilang FB page kahit pa nang tawagan namin ang opisina nito sa Japan.

Pagkatapos ng aming programa sa radio, nakipag-ugnayan kami sa opisina ni MICP District Director Romeo Rosales upang tanungin ang estado ng containers mula sa KC Cargo at kinumpirma nito na mayroon ngang containers ang hindi nailalabas ng KC sa compound ng Manila International Container Port.

Sinabi ni District Collector Rosales na bayad na ang taxes and duties ng pitong containers ng KC pero hindi ang storage, demurrage at maging shippers fee kaya hindi mailabas ang mga ito.

Kinumpirma ito ni Ms. Jenny Ebora, ang representative ng KC dito sa Pilipinas at nag-aayos ng mga papel ng kanilang ­kumpanya nang amin itong makausap noong Miyerkoles.

Inamin ni Jenny na katulad ng paliwanag ng iba pang cargo consolidators na inireklamo sa amin, sila man din ay tinamaan ng COVID-19 pandemic na ­naka­apekto sa kita ng kumpanya.

Sa huling pakikipag-usap daw nito sa may-ari ng KC Cargo na si Caroline Kasaoka, sinabi raw sa nito sa kanya na ibinebenta na raw niya ang isa niyang property rito sa Pinas upang mai­labas ang pito nilang kargamento sa BOC Compound.

Itinanggi naman ni Ms. Ebora ang mensahe ng isa nilang tauhan sa warehouse na nagsabi sa isa nilang kliyente na “PINAGHIHINALAAN DAW NG BUREAU OF CUSTOMS NA MAY LAMANG DROGA ANG ISA SA CONTAINERS NILA KAYA LALONG MADE-DELAY ANG RELEASING NITO”.

Ito ay ipinaalam din namin kay District Collector Rosales na natawa nang marinig ito.

Susubukan daw nilang maglabas ng isang container sa Biyernes kapag dumating na ang pera mula sa KC Cargo sa Japan.

372

Related posts

Leave a Comment