KORAPSYON ANG SAKIT NG FILIPINO

USAPANG KABUHAYAN

Ibinalita ng Malacañang noong nakaraang Lunes na sinibak na sa puwesto si Gen. Alexander Balutan bilang general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa alegasyon ng malubhang korapsyon. Bagaman at hindi binanggit ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo kung ano ang korap­syon na nangyari sa PCSO sa ilalim umano ni Balutan, may mga espekulasyon na ito ay tungkol sa ibinabayad na franchise fee ng mga operator ng Small Town Lottery o STL sa PCSO.

Ayon sa mga lumabas sa Facebook, lalo na sa account ng aking kaibigan na si John Raña, ang isang isyu na naitanong tungkol sa panunungkulan ni Balutan sa PCSO ay kung bakit daw bumaba nang todo ang koleksyon ng gobyerno mula sa STL.

Ang STL kasi ang dinisen­yong pamalit sa jueteng at masiao sa mga probinsya at mga liblib na lugar ng Metro Manila, gaya ng Pasig at Maynila. Karamihan ng mga STL operators ay dati ring mga operator ng jueteng at masiao kaya ang inaasahan ay gagawin na nilang legal ang kanilang operasyon. Pero ang patuloy na pagliit ng koleksyon ng STL samantalang lumalaki ang populasyon ng mananaya sa buong Pilipinas ay maaaring isang indikasyon na bumabalik na naman ang ilegal na sugal at natatalo nito ang STL gamit ang makinarya ng STL sa buong bansa.

Naging dahilan ang away sa STL upang mapalitan ang isang Pangulo, si Erap Estrada. Nag-away ang politikong si Chavit Singson at ang consultant ngayon ng PCSO na si Atong Ang kung paanong hahatiin ang koleksyon mula sa STL at jueteng kaya naging dahilan ito upang ibulgar ni Chavit ang umano’y korapsyon sa jueteng hanggang sa panguluhan.

Isa itong masamang sig­nos ng kung gaano kalala ang problema ng korapsyon sa pamahalaan at ang mas masama ay kalat na kalat ang problemang ito hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Kaya kumakalat ang shabu sa buong bansa ay dahil napapalusot sa bansang Tsina at India ang mga kemikal na gamit sa produksyon ng shabu kahit na dapat ay kontrolado ng todo ang galaw ng mga ganoong kemikal lalo na kung ito ay ibebenta sa ibang bansa.

Ayon sa World Bank, ang gastos sa bribe money o suhol sa mga opisyal sa buong mundo ay umaabot sa $1 trilyon, sapat upang pigilin ang kahirapan sa buong mundo. Nakapanghihina­yang na sa bulsa lang ng ilan napupunta ang mga ganitong suhol hindi lang sa atin kundi maging buong  mundo. Panahon na para aksyunan natin ito. (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)

160

Related posts

Leave a Comment