Sa dinami-rami ng mga isyung kinakaharap ng ating bansa, una na riyan ang pananakop ng China sa West Philippine Sea (WPS), ay tila nawala na rin sa spotlight ang usapin ng moder-nisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Saang antas na kaya ang modernisasyong ito?
Kamakailan ay may ilang opisyal ng AFP na aking nakausap at ang kanilang sinasabi ay napakabagal talaga ang pag-usad ng programa na disinsana’y malaki na dapat ang inaa-ngat simula pa ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino. Ang sabi ng ilan, mukhang may mga rebisyon ang programa lalo na ang mga nailatag na noon na dapat bilhin para sa Horizon I at Horizon II ng Revised AFP Modernization Program.
Ang nakakalungkot lamang na marinig ay hindi na naglalabasan ang mga kapalpakan – maliit man o malaki – gaya ng mga hinihinalang monopoly sa mga kontrata at lalo na ang anomalya sa mga kontrata. Karamihan pa rin sa mga may hawak ng “big-ticket items” ay dati nang nasangkot sa kontrobersya ng kurakutan.
Well, naniniwala naman ako sa kakayahan ng ating Pangulong Rodrigo Duterte lalo na sa kampanya nito laban sa korapsyon sa gobyerno. Sa liderato ni AFP chief General Benjamin Madrigal Jr., malapit na rin palang magretiro sa serbisyo, ay baka naman tahimik lamang na nagtatrabaho laban sa mga mapagsamantala sa mga kontratang pinapasok ng AFP.
Kung titingnan natin, kaiba talaga ang ating bansa kung ang usapin ay pagmodernisa sa military nito. Hindi prayoridad kahit na palaki nang palaki nang palaki ang banta ng pananakop ng China. Kahit minimum defense posture man lang sana ay wala ang ating AFP.
Naiisip ko tuloy na baka malaki talaga ang kumpiyansa ng ating AFP na ano man ang mangyari, nariyan naman ang “Big Brother” na US para ipagtanggol ang bansa laban sa mananakop kahit na kinamumuhian ito ni Pangulong Duterte.
Hindi ko na kailangang isa-isahin kung ano ang mayroon na gamit ngayon ng AFP batay sa nakuha kong mga dokumento. Alam ninyo, simula nang magkober ako sa defense beat ay aking naintindihan kung ano ang dapat at hindi dapat na gawing istorya dahil ang nakasalalay dito ay ang national security, ibig sabihn, ang kapakanan ng buong mamamayang Filipino.
Pero nakakalungkot talaga, “very low” ang kalidad na wala pa talaga sa minimum defense posture. Halimbawa, malayo ang agwat ng bansa natin sa kakayahang militar sa bansang Malaysia pa lamang at iba pang karatig bansa, paano pa kaya ang China.
Pagdating sa kurakutan sa pondo ng AFP, wala tayong sinasanto kahit sino pa ang sangkot na opisyal at mga kasabwat nilang mapagsamantalang negosyante.
Sa tingin ko, mukhang nakapokus pa rin ang modernisasyon ng AFP sa internal Security Operations (ISO) dahil nga sa patuloy na banta ng armed groups, lalo na ang New People’s Army (NPA) na nasa ika-50 taon na, ang pinakamahabang “protracted war” sa Asya.
Kahit papaano ay napatahimik na ang mga baril at kanyon sa pagitan ng AFP at Moro Islamic Liberation Front (MILF), ang maliit na lamang na teroristang grupo at private armed groups ng mga warlords ang kailangang lipulin ng AFP sa Mindanao. Pero, palagay ko, na kung hindi mapanghawakan nang tama ng gobyerno at AFP ang Bangsamoro Organic Law (BOL) ay baka magiging “white elephant” din ito gaya nang nangyari sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na hinawakan ng Moro National Liberation Front (MNLF). (BAGO ‘TO / Florante Solmerin)
175