(NI JEDI PIA REYES)
INAALAM na ngayon ng Land Transportation Office (LTO) kung maaaring mauwi sa pagkansela o pagrevoke ng driver’s license ng Starstruck Ultimate Male Winner na si Migo Adecer matapos siyang masangkot sa traffic incident sa Makati City nitong Linggo.
Ayon kay Atty. Clarence Guinto, ang direktor ng LTO-NCR, aalamin nila kung naangkop pang mabigyan ng karapatan na humawak ng lisensya si Adecer matapos na matukoy din ng Makati City Police na peke ang ibinigay nito sa mga otoridad nang hulihin noong Marso 26.
Batay din aniya sa rekord ng LTO, nasangkot sa dalawa pang insidente sa trapiko si Adecer noong nakaraang taon.
Gayunman, tiniyak ni Guinto na mabibigyan pa rin ng due process si Adecer.
Inatasan na ni Guinto ang LTO-Makati City para pangunahan ang pag-iimbestiga sa posibleng mga kasong administratibo na kakaharapin ni Adecer na maaaring mauwi sa pagbawi ng kanyang lisensya.
Nakipagpulong sa LTO ang Makati City Police sa pangunguna ni Police Major Gideon Ines, para ilatag ang mga nakalap nitong ebidensya na maaaring peke ang lisensyang isinuko ni Adecer.
Sinabi ni Ines na kapag nakumpirma nila sa LTO na peke ang lisensya ni Adecer ay kanilang ipupursige ang kasong kriminal na falsification of public documents laban sa aktor.
Maliban pa ito sa naunang ikinaso sa kanya na disobedience to a person in authority nang pumalapag at bastusin umano ang mga pulis na humuli sa kanya kasunod ng traffic incident.
Aminado naman si Ines na hindi naipursige ang kasong may kinalaman sa pagmamaneho ng lasing si Adecer dahil wala silang hawak na breath analyzer para maging ebidensya nito.
Hindi na rin aniya natuloy ang pagsasampa ng kaso ng dalawang empleyado ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nabiktima umano ng hit and run ni Adecer makaraang magkaroon na ng areglo at sagutin ang gastusin sa ospital ng mga biktima.
145