LABOR ATTACHE SA JORDAN HINIHILING NA PATALSIKIN

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

SUNOD-SUNOD na sumbong na ipinadala sa email ang aking natanggap upang ireklamo ang kasalukuyang Labor Attaché na nakadestino sa bansang Jordan.

Iba’t iba ang dahilan ng kanilang reklamo, pero iisa lamang ang kanilang kahilingan na mapatalsik na sa bansang Jordan ang Labor Attaché na si Armi Evangelista. Mistula raw nakasandal kasi si Labor Attaché Armi dahil lagi umano nitong ipinagmamalaki na walang makasasaling sa kanya dahil malakas diumano siya kay Senator Imee Marcos dahil dati siyang staff nito.

Kung kaya, maging ang mga staff ng Philippine Overseas Labor Office ay tila mga tuta na wala pang mata kung sumunod sa kanya. Isa sa mga opisyal na aking nakausap ang nagsabi pa na malimit daw na hindi pumapasok ito sa kanyang opisina tuwing umaga at dumarating lamang para mag-report sa opisina tuwing matapos ang pananghalian kung kaya tambak-tambak na sa kanyang lamesa ang mga dokumento na nakabinbin na nahihintay ng kanyang pirma.

Dahil sa paniniwala ng ilan sa mga staff nito na talagang hindi matitinag si Labor Attaché Armi, ay maging ang mga ito ay umaasta na rin na parang mga diyos-diyosan kung tratuhin ang mga OFW at pati na rin ang mga kawani ng mga Foreign Recruitment Agencies (FRA). Naririnigan diumano ito na nagsasabi ng masasamang salita sa tuwing may nagtatanong o kumukuha ng impormasyon ukol sa mga dokumento.

Inirereklamo ng ating mga OFW sa Jordan ang kakulangan ng pagmamalasakit ng POLO sa pamumuno ni Labor Attache Armi. Isa na rito ang hindi pagsagot sa mga tawag sa POLO Hotline para sa kanilang paghingi ng tulong. At kung sumagot naman daw ang mga ito ay talaga namang napakasuplada ng mga ito.

Samantala, nagrereklamo rin ang ating mga distressed OFW dahil sa napakabahong shelter na kanilang tinutuluyan dahil sa bumabaha ito sa tubig na galing sa drainage. Maraming beses na sila umanong nagreklamo sa opisyal ng POLO ngunit wala naman itong ginagawang hakbang.

Gayundin, dahil sa ipinakakalat na “untouchable” diumano si Labor Attaché Armi, kung kaya maging ang kanyang driver ay tila “untouchable” na rin. Kabilang sa sumbong na aking natanggap ay nagrereklamo na hina-harass diumano siya ng driver ni Labor Attaché Armi, pero imbes na pumagitna at sawayin ang kanyang driver ay tinakot pa umano ng barumbadong driver at sinabihan na huwag magsusumbong sa embahada at pinagbantaan pa na ipapa-deport ito. Diumano ay pinagbantaan pa ito na papatayin siya sa oras na mabalitaan na magsumbong sa embahada.

Tiyak ako na kung malalaman ni Sen. Imee Marcos ang ganitong pag-uugali at pagtrato ni Labor Attaché Armi sa mga OFW ay malamang na kastiguhin niya rin ito dahil kilala ang pamilya Marcos sa mabuting pangangalaga sa mga OFW.

Ang mga sulat ng pagrereklamo na aking natanggap ay agad ­nating ipinarating kay Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople upang kanyang mapaimbestigahan kung may katotohanan ang mga sumbong na ito mula sa mga OFW at kawani ng mga FRA.

***

Kung kayo ay may karagdagang impormasyon o reklamo, ipadala lamang sa aking email address na drchieumandap@yahoo.com.

33

Related posts

Leave a Comment